MANILA, Philippines – Ayaw kumpirmahin ng Malacañang ang napaulat na umano’y balasahan sa mga miyembro ng Presidential Communications Group ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sa mga lumabas na ulat, hindi umano kuntento ang pangulo sa ginagawang pagpapaliwanag at stratehiya ng kaniyang mga tagapagsalita sa isyu ng Mamasapano incident.
Isa sa mga lumulutang na pangalan na isa sa mga magiging spokesperson ng Malacañang ay ang kilalang kaibigan at political adviser ng Pangulo na si Secretary Ronald Llamas.
“Hintayin na lang po muna natin, kung ano magaganap hinggil dyan, wala po akong impormasyon,” matipid na sagot ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr.
Lumabas ang naturang isyu dahil na rin sa samu’t saring isyu at usaping pulitikal na kinakaharap ng administrasyong Aquino partikular ang usapin sa Mamasapano.
Napapansin na rin ng iba na bihira nang humarap sa media sila Presidential Spokesman Secretary Edwin Lacierda at Undersecretary Abigail Valte.
Matatandaang nagkaroon na rin ng pagbabago sa sistema ng communication group ng Palasyo kung saan nadagdag si PCOO Secretary Coloma na naging pangunahing tagapagsalita ng Pangulo. (Nel Maribojoc / UNTV News)