MANILA, Philippines – Agad na isasailalim sa mabusising pag-aaral ng joint National Bureau of Investigation (NBI) at National Prosecution Service (NPS) Special Investigation Team ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry ng Philippine National Police kaugnay ng Mamasapano incident.
“I, myself, will go over that and study that this weekend and then hihintayin din namin yung Senate report. According to announcements, next week ang Senate report and then syempre, yung sa amin we continue to try to access witnesses,” pahayag ni Justice Secretary Leila De Lima.
Ayon sa kalihim, naging mabusisi rin ang pagkuha ng grupo ng dagdag na ebidensya mula sa clash site sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao nitong Miyerkules.
Inisa-isa aniya ng grupo, kasama ang hawak na testigo, ang aktwal na nangyari sa lugar nang mangyari ang engkwentro noong Enero 25.
“Naging very helpful, useful and significant yung ginawa naming ocular inspection kasi nga iba rin yung nakikita mismo visually yung lugar na pinangyarihan rather than relying on video clips or on photos of the same,” saad ni De Lima.
Muli ring sinabi ni De Lima na nirerespeto nito ang desisyon ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chief Al-Haj Murad na ang Malaysian government lamang ang bibigyan nila ng MILF report sa insidente.
Ayon sa kalihim, base sa napagkasunduan ng dalawang panig, idadaan na lamang ng DOJ sa Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities ang kanilang documentary at evidentiary requests.
Aniya, “Pag-uusapan nila kung sino ‘yung mga pwede na mga i-share din, pagbigyan ng report nila, but of course, I manifested our desire na sana nga makakuha din kami ng report. I’m sure makakatulong din ‘yan, any input or inputs from them will certainly be helpful.”
Gayunpaman, umaasa si De Lima na makikipagtulungan ang MILF sa pamahalaan sakaling mapatunayang may liability ang mga miyembro nito sa engkwentro. (Bianca Dava / UNTV News)