MANILA, Philippines – Naniniwala ang Malacañang na mas mabubuo na ngayon ang detalye ng pangyayari sa Mamasapano clash noong Enero 25 matapos ilabas ng Board of Inquiry ng Philippine National Police (PNP) ang resulta ng imbestigasyon.
Sinabi ng Malacañang na hihintayin nila ang magiging rekomendasyon ng BOI kaugnay ng Mamasapano clash.
Ipinaliwanag rin ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na anuman ang magiging aksyon ng Department of Justice (DOJ) partikular sa posibleng pagsasampa ng kaso sa mga maysala sa insidente ay hindi naman kinakailangang palaging dumaan sa review ni Pangulong Benigno Aquino III.
“Just a little bit procedure when the DOJ files a case any respondent, the respondent has two courses of action, he can choose to appeal to the Office of the President, or second he can choose to appeal to the Judiciary, so in any case the procedure is there for the President’s legal review,” ani Valte.
“Mostly, he will be briefed on whatever action will be taken by the DOJ,” dagdag pa nito.
Sinuportahan naman ni Valte ang inihayag ni DILG Secretary Mar Roxas na walang liability si Pangulong Aquino sa Oplan Exodus sa Mamasapano kung saan nasawi ang 44 na SAF troopers.
Sinabi ni Valte na kung sakali ngang may pagkakasala si resigned PNP chief General Alan Purisima sa pangyayari ay hindi ito kakampihan ng administrasyon kahit na ito ay kilalang kaibigan ni Pangulong Aquino.
“Lagi naman pong malinaw ang Pangulo na kung ano ho, dun po tayo pumunta kung saan tayo dadalhin ng ebidensya, and so far wala naman po tayong nakikita na meron pong maiilagan,” pahayag pa ni Valte.
Dumipensa rin ang Malacañang sa usapin kung bakit mas nababanggit ng Pangulo sa mga nakaraang talumpati si dating PNP SAF Director Getulio Napenas kaysa kay General Purisima sa posibleng may sala sa Mamasapano clash.
Ayon kay Valte, “Lagi namang sinasabi ng Pangulo na hintayin pa natin ang ibang detalye, yung mga naririnig niyo na sinasabi ng Pangulo at sineshare niya, syempre yan na rin yung mga nalaman niya pagkatapos ng mga naging operasyon mas nabubuo at ini-expect natin ngayon na mas mabubuo pang lalo.”
Sa kasalukuyan ay hinihintay na lamang ni Pangulong Aquino ang kopya ng report ng BOI upang makagbigay ng posisyon sa naturang isyu. (Nel Maribojoc / UNTV News)