MANILA, Philippines – Ibinida ni Pangulong Benigno Aquino III sa graduation rites ng Philippine Military Academy (PMA) nitong Linggo ang mga nagawa ng kaniyang administrasyon sa nakalipas na mahigit apat na taon.
Kabilang dito ang mga reporma at programa para sa pagpapalakas sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Aquino na walang ibang magpapatuloy sa mga nasimulan ng kaniyang administrasyon kundi ang taumbayan.
“Kaya nga sa mga nagtatanong kung sino ang magpapatuloy sa maganda nating nasimulan: Walang iba kundi ang nagkakaisang sambayanan na nagpapamalas ng malasakit sa isa’t isa. Malinaw naman: Mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan lang ang hindi nakakaramdam sa malaking pagbabagong tinatamasa ng ating bayan.”
Ibinahagi rin ng pangulo sa mga nagsipagtapos na kadete ang ilang mga mabibigat na suliranin na kinakaharap ngayon ng kaniyang administrasyon.
Ilan dito ang banta sa seguridad ng mga Pilipino sa Yemen at ilang mga bansa sa gitnang silangan na may kaguluhan.
Binalaan naman ng Pangulo ang mga kritiko ng kaniyang administrasyon at inihayag na handa naman siyang makipagdayalogo sa mga ito.
“Sa pakikiambag ninyo, at ng iba pang magigiting na miyembro ng ating unipormadong hanay, malinaw ang mensahe natin sa mga nasa kabilang panig ng ating agenda ng reporma: Kung handa kayong makipag-usap nang sinsero, bukas ang estado sa isang risonable at tapat na diyalogo. Pero kung patuloy ninyong ilalagay sa peligro ang sambayanan, hindi kami mag-aatubiling sagasaan kayo,” ani Pangulo.
Pagkatapos na mailabas ang report ng Board of Inquiry (BOI) kaugnay ng Mamasapano clash noong Enero 25, may ilang grupo pa rin ang patuloy na nagbibigay ng negatismo sa umano’y pagkasangkot ng Pangulo sa naturang operasyon. (Nel Maribojoc / UNTV News)