MANILA, Philippines – Pinangunahan ng mga estudyante sa Las Piñas at Parañaque City High School at ni Senate Committee on Agriculture and Food Chairperson Cynthia Villar ang paglilinis sa Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area noong linggo ng umaga.
Kaugnay ito ng pagdiriwang sa ikalawang taon ng pakakasama sa lugar sa listahan ng Ramsar International.
Ang Ramsar Convention ay treaty o kasunduan ng mga bansa na naglalayong mapangalagaan ang mga wetland sa iba’t ibang panig ng mundo. Signatory ang Pilipinas sa Ramsar noong 1999.
Anim ang wetland sa bansa na idineklarang mahalagang mapangalagaan, at kabilang dito ang nag-iisang wetland sa Metro Manila.
“Tayo’y nagagalak kasi yung mga nasa Ramsar ay famous site like the Palawan underground river at tsaka yung Tubataha Reef alam nyo naman yun mga sikat na sikat na lugar yun, yung Olanggo Island sa Cebu and then yung Agusan Marsh at tsaka yung Naujan Lake, so napakapalad natin na makasama sa magagandang wetland sa Pilipinas in the Ramsar list, anim tayo na kasali sa Ramsar list,” pahayag ni Senator Villar.
Ikinagagalak rin ng senadora ang paglalaan ng pondo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Tourism (DOT) upang idevelop ang nasabing lugar.
“Ngayong taon po binigyan kami ng P15 million ng Department of Environment and Natural Resources and then binigyan kami ng P50 million ng Department of Tourism via yung CHESA.”
Ilan sa itatayo rito ay ang museum, restaurant maayos na palikuran at kalsada para sa mga magtutungong turista.
“They will construct 500-meters of boardwalk para tayo maiikot natin ‘tong mga mangroves, they will put a mangrove along the lagoon and then idi-develop nila yung parking lot sa harap together maybe a toilet and a small information center,” saad pa ni Villar.
Ang Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area ay may lawak na 175-hectare costal urban wetland at bird sanctuary na dinadayo at tinitirhan ng nasa limang libong uri ng mga ibon at iba’t ibang klase ng punong kahoy. (Bernard Dadis / UNTV News)