MANILA, Philippines – Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang isang motorcycle rider matapos maaksidente sa Lawton, Maynila, pasado ala-3 ng madaling araw ngayong Lunes.
Sugatan at nakahandusay pa sa kalsada ang biktimang kinilalang si Ronald Sioteco, 49 anyos, residente ng Paco, Maynila.
Nagtamo ang biktima ng sugat sa paa, kamay, at idinaraing nito ang kanang balikat.
Kaagad na isinakay si Sioteco sa rescue mobile at nilapatan ng pang-unang lunas bago isinugod sa Philippine General Hospital (PGH).
Ayon sa mga nakasaksi sa aksidente, mabilis ang takbo ni Sioteco kaya natumbok nito ang center island.
“Mabilis talaga,” saad ni Randy Cabañas na nakakita sa pangyayari.
Salaysay naman ni Michelle Espinosa, “Akala niya kasi walang line na ganito, kaya’t yun tumalon yung motor niya.”
Ayon sa mga residente, marami nang naaksidente sa lugar dahil sa kawalan ng street lights at traffic sign.
Aminado naman ang biktima na naka-inom at galing sa pinapasukang bar.
Dinala ang motorsiklo ni Sioteco sa Manila Police Station. (Reynante Ponte / UNTV News)