MANILA, Philippines – Kinailangan ng Senate Defenders ang extra period bago napayukod ang DOJ Justice Boosters, 80-78, sa quarterfinals ng UNTV Cup season 3 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City nitong Linggo.
Nahatak ni Legislative Staff Assistant Joe Andrew Garcia sa overtime ang sagupaan matapos pumasok ang three-point attempt para sa score na 71-71.
Hindi doon tinapon ni Garcia ang kanyang kabayanihan at kumamada pa ng dalawang 3-points sa overtime upang makahakbang ang Senate Defenders sa semifinal round.
Top scorer sa Defenders si Reynaldo Malaga Jr. sa kanyang 24 markers, habang may pinagsamang 35 pts. at 27 boards ang Senate twin towers na sina Marlon Legaspi at Emmanuel Baltazar.
“Semifinals marami kaming adjustment na gagawin medyo unang una titignan namin yung 5-game winning streak medyo nag-o-over confident na mga players,” saad ni Coach Kenneth Duremdes ng Team Senate.
Kumamada naman sina Ian Garrido, Christopher Tagle at Rico Escalante ng tig-17 points, ngunit hindi ito sapat upang maiahon ang DOJ sa pagkatalo.
Samantala, sumama ang AFP sa Senate sa semifinals matapos na tiklupin ang PNP Responders, 63-59.
Tinanghal na best player of the game si Technical Sergeant Rolando Pascual na kumulekta ng 16 points kabilang dito ang 4 crucial points sa nalalabing dalawang minuto ng sagupaan.
“Blessing na din kasi lagi akong nalilibre sa position sa last dying seconds siguro talagang naka-design yung play para sa akin talaga,” saad ni Pascual.
Top scorer si PO2 Felmar Jaboli ng PNP na may 17 pts. ng PNP na unang pagkakataon na bigong makasama sa Final 4.
Kailangan namang talunin ng AFP ng dalawang beses ang Malacañang Patriots sa semifinals upang makahakbang sa finals, gayundin ang Senate Defenders kontra sa Judiciary Magis na hawak ang twice-to-beat advantage.
Magsisimula ang semifinals sa March 22. (JP Ramirez / UNTV News)