MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ng Philippine Coconut Authority (PCA) kung napapanahon na ang paggamit ng biofuel bilang solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa ngayon ay nasa P40 ang presyo ng biodiesel, mas mababa ng tatlong piso sa regular na diesel.
Ang biofuel ay may halong methyl ester o kemikal na produktong mula sa niyog.
Sa ngayon ay 2% lamang ang halo ng biodiesel na ginagamit ng mga sasakyan, subalit susubukan ng PCA ang B5 o may 5% na halo.
Ayon sa PCA, napapanahon ang paggamit ng biofuel dahil mas mababa ang presyo ng niyog sa ngayon.
Inaasahan na lilikha ito ng mahigit sa 37-libong trabaho sa industriya ng niyog.
Bukod pa dito, mababawasan ng 80% ang polusyong ibinubuga ng sasakyan kung B5 ang gagamitin.
“Sigurado pong ito’y makakatulong sa pagpapaganda ng ating environment. Imbes na yung mga negosyante sa Middle East ang makinabang, ang makikinabang po ay mga coconut farmers,” pahayag ni PCA Administrator Euclides Forbes.
Sinabi naman ni DOE-Oil Industry Management Director Zenaida Monsada na dapat ring pag-aralang mabuti ang posibleng maging epekto ng paggamit ng biofuel sa iba pang sektor ng lipunan. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)