MANILA, Philippines — Muling binuhay ng ilang senador ang panukalang iparehistro sa Department of Transportation and Communications (DOTC) ang lahat ng mga sim card ng cellphone na kalimitang ginagawang triggering device sa mga bomba.
Kasunod ito ng nangyaring pagsabog sa isang mall sa Cagayan De Oro na ikinasawi ng walo katao at ikinasugat ng mahigit 40.
Ayon kay Assistant Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III, mas madaling matunton ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa pambobomba kapag rehistrado ang sim card.
Sinusuportahan naman ng ilang senador ang panukalang ito ni Sotto.
Taong 2011 pa nang unang isulong ang naturang panukala na tinutulan ng grupong TXT Power dahil magbibigay umano ito ng maling impresyon sa publiko ukol sa paglaganap ng krimen.
Giit ng grupo, magandang ideya ang panukalang batas subalit posible pa ring gumawa pa rin ng paraan ang mga kriminal upang malusutan ito.(Jaypee Ramirez / Ruth Navales, UNTV News)