MANILA Philippines – Iginagalang ng Malakanyang ang nagiging proseso ngayon ng Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa debate sa ilang probisyon ng Interruptible Load Program na nagiging dahilan naman upang maantala ang pagpapasa ng joint congressional resolution na magbibigay ng karagdagang kapangyarihan kay Pangulong Benigno Aquino III upang masolusyunan ang nakaambang krisis sa kuryente sa pagpasok ng summer season.
Pahayag ni Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr., “Basta ang posisyon ng gobyerno dito, bottom line, “No power is the most expensive power.” Number 2, Government is committed to protect the welfare of our citizens. Kaya on its own, kahit na tinatalakay pa ito, way back, nauna na ‘yung proactive programs ng DOE (Department of Energy) na engaging the private sector to participate in the Interruptible Load Program (ILP) at napakarami na nga sa kanila ang mayroong published commitment.
Ayon pa kay PCOO Sec. Sonny Coloma, ipapaubaya rin nila sa Kongreso ang pagtalakay kung kinakailangan ng legislative framework sa ILP.Ngunit umaasa ang Malakanyang na patuloy na makikipagtulungan ang mga mambabatas sa Ehekutibo upang magkaroon ng nararapat na resolusyon sa problema.
“Pero kung maaalala natin, sinabi rin ng Pangulo sa mga nakaraang pagkakataon, I think this was asked of him by those of you who joined him in Busan, Korea in December. Sinabi niya sana kapag humantong tayo doon sa nagkaroon talaga ng kakulangan at krisis ay kikilalanin din ng ating mga mambabatas kung ano ang nagging partisipasyon nila diyan.”
Ang ILP ang isa sa mga inisyatibo ng pamahalaan upang kahit papaano ay mabawasan ang banta ng brownout.
Dito hinihikayat ang mga pribadong kumpanya na gumamit ng kanilang generator set upang makabawas sa demand ng kuryente.
Bagamat gagana naman ang ILP, kahit wala ang joint resolution, subalit isang bagay ang matitiyak dito, taong bayan pa rin papasan ng dagdag gastos.
(NEL MARIBOJOC / UNTV News)