MANILA, Philippines – Tinambakan ng Judiciary Magis ang Senate Defenders sa score na 95-75 nitong Linggo at umusad sa kampeonato ng UNTV Cup season 3.
Pinangunahan ang Magis sa pagtiklop sa Defenders ng best player of the game na si Kevin Enriquez na nagbuslo ng 11 points.
Sa ngayon ay hihintayin na lamang ng UNTV Cup season one champion Magis ang kalalabasan ng do-or-die match ng defending champion ng AFP Cavaliers at Malacañang Patriots sa Linggo.
“Naghanda talaga kami,” saad ni Dennis Balason, head coach ng Judiciary Magis.
AFP Cavaliers, napuwersa ang do-or-die match vs Malacañang Patriots
Samantala, napuwersa ng AFP Cavaliers ang winner-take-all match matapos na maungusan ang twice to-beat Malacañang Patriots, 74-73.
Umasa ang koponan sa dalawang crucial three-points ni Eugene Tan upang maisalba ng Cavaliers ang mahalagang panalo.
Si Tan, na nagbuslo ng 11 points, 5 rebounds, 2 assists at 3 steals ang napiling best player of the game.
Si Ronald Pascual naman ang nag-highest pointer sa AFP na may 14 points, habang nag-ambag naman ng twelve markers si Ian Araneta.
Sa kampo ng mga taga-Malacañang, leading all scorers si Samuel Ignacio, ngunit hindi naging sapat ito para maiahon ang Patriots sa pagkatalo.
Nakatakda ang winner take all match na magpapasya sa makakalaban ng Magis sa kampeonato sa linggo.
“100% nagawa namin in terms of defense nagkaroon lang kami ng lapses sa defense hopefully ma-correct namin next game,” pahayag ni Sonny Manucat, assistant coach ng AFP Cavaliers. (JP Ramirez / UNTV News)