TACLOBAN CITY, Philippines – Naglabas na ng Memorandum Order ang Department of Education (DepED) hinggil sa mga panuntunan sa pagsasagawa ng graduation rites sa mga paaralan sa Eastern Visayas.
Sa nasabing kautusan, ipatutupad ng DepED Regional Office ang ‘no uniform’ policy sa elementary at high school students na magtatapos ngayong Marso.
Ayon kay Carmelo Bernadas, Asst. Division Superintendent ng DepED Tacloban, hindi dapat obligahin ng mga paaralan ang mga estudyante na magsuot o magpatahi ng uniform na susuotin sa graduation lalo’t karamihan sa kanila ay walang kakayahang pinansyal bunsod ng magkakasunod na epekto ng kalamidad.
Bukod sa no uniform policy, dini-discourage rin ng DepED ang pagkakaroon ng yearbook at seniors’ ball para iwas-gastos sa mga magulang.
Ayon sa DepED, naiintindihan nila ang damdamin ng mga kabataang gustong makaranas ng seniors’ ball at magkaroon ng remembrance sa kanilang batch ngunit dapat rin nilang isipin ang kapakanan ng mga magulang na karamihan ay nagrereklamo sa malaking gastos sa graduation. (Jenelyn Gaquit / UNTV News)