MANILA, Philippines – Ipinagmalaki ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Martes sa mga negosyante na dumalo sa 4th Euromoney Philippine Investment Forum sa Makati City ang magandang takbo ng ekonomiya ng bansa sa nakalipas na mga taon.
Dito, tiniyak rin ng Pangulo na patuloy na gumagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang manatili na sapat ang supply ng kuryente sa bansa na pangunahing ipinag-aalala ng mga negosyante at investors.
Ayon kay Pangulong Aquino, sa kasalukuyan ay mayroong 15,665 megawatts (MW) dependable capacity ang Pilipinas na sapat sa inaasahang pangangailangan na 10,222 MW ngayong 2015.
Gumagawa na rin ng hakbang ang pamahalan upang mapaghandaan ang posibleng epekto sa energy supply ng El Nino at nakatakdang rehabilitasyon ng Malampaya gas field.
“Government has been pursuing an entire menu of options to address this projected shortfall. We are expediting the rehabilitation of the 300 MW Malaya Thermal Power Plant Unit 1 to help augment power supply in Luzon. We are also requesting the National Grid Corporation of the Philippines to optimize the dispatch of hydropower plants, which will generate additional energy supply during peak hours,” saad ni Pangulong Aquino.
Bukod dito, iniulat din ng Pangulo na 252 na mga kumpanya na ang sumali sa Interruptible Load Program (ILP) ng pamahalaan na malaki ang maitutulong upang makabawas sa mataas na demand ng kuryente sa pagpasok ng panahon ng tag-init.
Sinabi rin ng Pangulo na may 48 power projects ang nakahanda na hanggang 2018 na inaasahang makakapag-generate ng halos 5,000 megawatts.
Kaugnay naman ng mga magandang balita na ito, sinabi ng Pangulo na may ilan pa rin na tumututok sa paghahayag ng mga negatibong balita.
“There has been so much good news these past few years, and yet, this good news has often been relegated to the back pages of our broadsheets. I must admit: our campaign to change the mindset that negativism sells is still a work in progress. While it is true that we have had our share of setbacks and challenges; we also have an impressive number of achievements under our belt,” saad pa ng Pangulo. (Nel Maribojoc / UNTV News)