MANILA, Philippines – Nagpaalala ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX) sa lahat ng motorista na paghandaang mabuti ang mahabang biyahe patungong probinsya sa darating na long holiday.
Naghahanda na rin ang pamunuan ng NLEX at SLEX upang masiguro na magiging ligtas at mabilis ang paglalakbay ng mga motorista.
May mga bagong sistema na ipatutupad ang Manila North Tollways Corporation (MNTC) upang mabawasan ang congestion sa mga toll plaza.
Lahat ng mga motorista na patungong norte na dadaan ng SCTEX ay hindi na kailangang magbayad pa sa Dau toll plaza kundi diretso na sa Mabalacat at vice versa.
Ang dating 5 stops papuntang Subic at 4 stops patungong Tarlac ay magiging tatlo na lamang at mula sa mahigit dalawang oras na biyahe papuntang Subic ay magiging mahigit isang oras na lamang.
“Mawawala na yung mahabang pila dun dahil ngayon gagawin na naming pass through lane yung Dau toll barrier sa mga motoristang nagbabayad ng cash, pass through kasi tuloy tuloy na lang ang daan nila,” pahayag ni Glenn Campos, MNTC Assistant Vice President for Traffic and Operations Management.
Simula Abril 1 at 2 ay mabibili na ng mga motorista ang express card sa NLEX na may diskuwentong five percent.
Sa tala ng MNTC, inaasahang tataas ang bilang ng mga sasakyan sa NLEX ng 200,000 mula sa dating 180,000.
Sisikip naman ang traffic sa NLEX northbound sa hapon ng Abril 1, Miyerkules hanggang sa umaga ng Abril 2, araw ng Huwebes.
Sa mga babalik ng Maynila, inaasahang mas magiging mabigat ang traffic sa hapon ng Abril 4 araw ng Sabado at gabi ng Abril 5, araw ng Linggo.
Ayon sa mga toll operators, tumataas ang bilang ng mga aksidente ng 20% kapag ganitong panahon kaya’t pinapayuhan ang lahat na maging maingat sa pagmamaneho, ititigil naman ang lahat ng mga pagkukumpuni sa kalsada sa NLEX simula March 27 upang mapabilis ang biyahe ng mga motorista.
Ayon sa pamunuan ng NLEX, ang sistemang ipatutupad ngayong long holiday ay bilang paghahanda na rin sa toll integration sa SCTEX na planong ipatupad sa darating na Nobyembre.
“Very important yung integration, malaking kaluwagan talaga ang idudulot niyan when it is completed in November,” pahayag ni MNTC CEO Rod Franco.
Nag-apply na rin ang mga bus operator ng permit sa LTFRB upang makapagserbisyo sa mga kababayan nating luluwas ng probinsya na sasakay ng bus. (Mon Jocson / UNTV News)