MANILA, Philippines — “Malaking duda ito, malaking duda… kaya nga, unang-una, sinasabi nila na di nila alam si Marwan, it’s a lie. Pangalawa, they would just defending themselves they were not on the offensive, for me it’s (also) a lie.”
Kuwestiyunable para kay Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano ang report ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano incident na ikinasawi ng 44 SAF commandos noong Enero 25.
Ilang punto sa report ang hindi pinaniniwalaan ng kongresista na dati ay sundalo at nakipaglaban noon sa mga rebeldeng grupo sa Mamasapano, Maguindanao.
Aniya, maliit lang ang Mamasapano at imposibleng hindi kilala ng mga taga roon si Marwan at Basit Usman.
“Yung presence ni Basit Usman at ni Marwan is very impossible na hindi nila malaman.”
“Si Marwan ay nagsisimba sa katabing mosque hindi naman sya magsisimba nang nag-iisa, may community doon may mga babae, lalake, hindi nman sila magsasabi sino itong taong ito di namin kilala hayaan mo yan. Kilala nila si Basit Usman,” giit ni Alejano.
Ayon din kay Alejano, maraming inconsistency sa mga pahayag ng MILF na kaaway nila ang BIFF at isa na rito ang sinabi sa report na nakita nila ang BIFF sa lugar ng engkwentro noong Enero 25.
“Nakita nila na may ibang armed group doon at na-identify nila, pag na-identify mo kasi ibig sabihin malapit yun kung malayo di mo ma-identify yun at sabi nila BIFF na sinasabi din nilang kalaban nila bakit hindi binaril? Kalaban nyo pala yan eh, nagpapakita dito na hindi sila magkalaban,” saad pa nito.
Pangamba rin ng kongresista na miyembo ng Ad Hoc Committee on the Bangsamoro na posibleng malagay sa alanganin ang Bagsamoro Basic Law (BBL).
Ito ay kung magmamatigas ang MILF na huwag isuko ang kanilang mga tauhan na kakasuhan ng Department of Justice (DOJ).
“They should commit eh kung talagang sincere kayo i-surrender ninyo ang puwersa nyo,” pahayag pa ni Alejano. (Grace Casin / UNTV News)