MANILA, Philippines — Isang pang-birit na awit ang pasok ngayong taon sa A Song of Praise o ASOP Music Festival Grand Finals kasunod ng pagkapanalo ng awiting “Kung Pag-Ibig Mo’y Ulan” bilang “song of the month”.
Magbibigay ito ng mahigpit na laban sa mga naunang nakapasok sa Grand Finals dahil dalawang magkasunod na “Song of the Year” ay parehong power ballad.
Ayon sa kompositor nitong si Christian Malinias na tubong Baguio, nalikha nya ang awit matapos madinig ang ASOP 2014 “Song of the Year” na “May Awa ang Dios.”
Ani Christian, “Masaya na ‘ko kasi maipaparinig uli ‘yung song. Kumbaga ‘yung mga winnings ngayon, bonus na lang ‘yon. And masaya ako kasi eto… dumating ‘tong time na ‘to para mai-share ko sa mas malawak na audience. And ‘yon ang exciting doon about sa Grand Finals. Ilang kaluluwa ang nandun sa Araneta.”
Nakatulong din upang maipahatid ang mensahe ng awit ang rendisyon ni Jenimay Mabini na pinsan ng tinanghal na ASOP 2014 “Best Interpreter” na si Beverly Caimen.
Kwento ni Jenimay, “Parang napaka-surreal nung nangyari po ngayon tapos parang after so many rejections na naranasan ko nito… kaya naiyak ako talaga pero sobrang saya.”
Tatlong iba’t-ibang estilo ng awit ang dinaig ng “Kung Pag-Ibig Mo’y Ulan” tulad ng rock ballad na “Sa Piling Mo’y Langit”, ang mala-bossa na “Ikaw ang Musika” at ang isa pang power ballad na “Awit Kong Dasal.”
Samantala, na-inspire naman ng husto ang isa sa panauhing hurado na si Ramon Christopher Gutierrez sa kanyang naging experience sa ASOP.
“Iba pala ‘yung pakiramdam nung napapakinggan mo ‘yung gawa ng mga bagong composer. Tapos maririnig mo ‘yung mga komento ni Doc Mon ‘di ba? Tapos i-a-apply nila. Naaayos nila ‘yung mga kanta nila. Napaka-uplifting tsaka syempre ‘yung musika nga is the best form na makapagbigay pugay ka sa Panginoon.”
Muli, bago ang announcement ng winner ay nagpaunlak din si Ramon Christopher sa hiling ng mga studio audience na ipadinig ang kanyang tinig. (ADJES CARREON / UNTV News)