MANILA, Philippines – Pinag-iingat ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang publiko sa bagong modus operandi ng mga kriminal.
Ayon sa hepe ng QCPD na si Chief Supt. Richard Albano, gumagamit ng magagandang babae ang grupong tinaguriang “Gaga Robbery and Carnapping Group”.
Modus ng grupo na banggain ang likuran ng sasakyan ng kanilang target, kunin ang sasakyan, i-drive patungo sa bahay ng biktima at saka pagnanakawan.
“Pag nabangga at halatang binangga, lalong lalo na yung hindi busy road, kunin mo na agad yung plate number at punta ka agad sa busy street at least di agad sila makaka-diskarte,” ani Albano.
Sa ngayon ayon kay Albano ay inutusan na niya ang lahat ng kanyang tauhan partikular ang mga nagpapatrolya na maging mapagmatyag sa galaw ng mga kawatan.
“Dapat conscious sila sa ganito lalo na yung sa mga nasisiraan, pag may nadaanan na nasiraan ay sitahin ng pulis.”
Tiniyak din ng heneral na mas paiigtingin pa nila ang kanilang police visibility. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)