MANILA, Philippines — Nagsanib pwersa ang Quezon City Police District (QCPD) at ang grupong binubuo ng mga Muslim at Ilokano, ang “Kabalikat ng Bayan, Ginhawang Sangkatauhan” o KABAGIS.
Nitong Miyerkules ay nilagdaan ng QCPD at KABAGIS ang isang MOA kontra krimen.
Sinabi ng hepe ng QCPD na si Chief Supt. Richard Albano na maaaring magsilbing force multiplier ang grupo sa pagsugpo sa kriminalidad.
“Walang silbi ang pulis kung walang tulong ng mamamayan, mas marami kayo, kokonti kami, ang mamamayan sila ang bantay sa kalye at tenga sa barangay.”
Nangako naman si Engr. Gilbert “SF Mulawin” Sabio, national president ng grupo na magiging kaagapay sila ng QCPD sa kanilang kampanya kontra krimen.
“We want to serve and assist the PNP in maintaining peace and order and assisting medical mission and rescue operations.”
Kasabay nito, ibinabala ni Albano na mawawalan ng bisa ang kasunduan kapag lumabag ang grupo sa kasunduan tulad ng pag-abuso sa kapangyarihan at pagkakasangkot sa anomang krimen. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)