MANILA, Philippines — Dahil sa makabagong teknolohiya, isang Pilipino mula sa Australia ang nakasali sa unang weekly elimination round ng A Song of Praise o ASOP Music Festival nitong Linggo.
Sa tulong ng Skype, personal pa ring narinig ni Paul Escano ang mga komentaryo ng mga huradong sina Jackie Lou Blanco, Ramon Christopher Gutierrez at Doktor Musiko Mon del Rosario.
Ang kanyang obra na “Ngayong Nandito Ka” na inawit ni Arnee Hidalgo ang pinili ng mga naturang hurado bilang “song of the week” ng gabing iyon.
Ayon kay Arnee na isa ring kompositor may mga nais din sana syang i-suggest sa ikagaganda pa ng komposisyon ni Paul ngunit hindi na nabigyan ng pagkakataon dahil sa limitasyon ng komunikasyon.
“May mga bago akong naiisip kaya lang hindi ko muna pwedeng magalaw kasi siyempre ‘yung composer hindi ko naman nakausap personally. So, baka mamaya hindi ganoon ang gusto niyang pag-i-i-interpret. Kung meron man akong ginawang sariling interpretation ko, kaunti lang naman ang iniba ko do’n sa binigay sa’kin.”
Tinalo nito ang mga awiting “Dios ng Aking Buhay” ni Lyza Lyn Pajo na isa namang OFW mula sa UAE na ininterpret ni Gian Gloria at “Ialay Mo” ni Aeron Enaje na inawit naman ni Willie Cordovales. (ADJES CARREON / UNTV News)