MANILA, Philippines — Tinamaan ng bala ng M16 sa kanang braso ang 26 anyos na sundalo na si LT. Eljuhn Aboc habang nakikipagbakbakan ang 50th Infantry Batallion ng Philippine Army sa mga rebeldeng NPA sa Cagayan Province noong Pebrero.
Samantala, ang 25 anyos na si LT Crismar Lapinig, taga-Surigao del Norte, tinamaan ng shrapnel ng landmine ng NPA sa Quezon, Bukidnon noong Enero.
Dahilan upang kapwa ma-confine sila sa AFP Medical Center hanggang sa kasalukuyan.
Ilan sila sa mga nasugatan dahil sa pakikipaglaban upang tiyakin ang kapayapaan at seguridad sa bansa.
Ngunit sa kabila ng kanilang sinapit, hindi sila nagdadalawang-isip na muling sumabak sa tungkulin upang mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa bansa.
Pahayag ni Lieutenant Aboc, “Kaakibat sa sinumpaang salaysay namin yung pagtatrabaho sa bayan.”
Ani LT Lapining naman, “Kapag naka-recover kami nang mas mabilis, maganda nga maka-recover kami agad, wala kami hesitation na babalik sa field.”
Bukod pa sila sa naitalang nasawi at sugatan habang tinutugis naman ang mga miyembro ng teroristang grupong BIFF sa Maguindanao sa all-out offensive operations nito.
Kaya upang makatulong sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas partikular na sa mga sundalong pangunahing lumalaban sa mga masasamang loob upang maitaguyod ang kapayapaan sa bansa, nitong umaga Lunes ay opisyal na tinurn-over ng UNTV sa pamamagitan ni Vice President for Administration Mr. Gerry Panghulan ang tulong na tseke na nagkakahalaga ng isang milyong piso.
Nagpasalamat si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang Jr. sa tulong na iniabot ng UNTV.
Ayon sa kaniya, malaking tulong ito sa mga sundalong nagbubuwis ng buhay upang tugisin ang mga terorista at masasamang loob.
Dagdag pa ni Gen. Catapang, sa pamamagitan nito ay makakapagsimulang muli ang pamilya ng mga sundalong nasawi at nasugatan sa pakikipaglaban.
“Makakatulong po ito sa kanila, mag-recover at sa pamilya, so maraming-maraming salamat po sa UNTV,” pahayag ng AFP Chief of Staff.
Ang tulong ng UNTV para sa mga sundalo at pulis ay nagmula sa inisyatibo nina Bro. Eli Soriano ng Members Church of God International at UNTV Chief Executive Officer Mr. Public Service Kuya Daniel Razon. (ROSALIE COZ / UNTV News)