MANILA, Philippines — Opisyal nang binuksan ng Human Rights Victims Claims Board (HRVCB) ang kanilang opisina sa pagtanggap ng aplikasyon ng mga biktima ng Martial Law.
Noong February 17 sa taong ito ay pinirmahan ng Pangulong Benigno Aquino III ang resolusyong nagpapalawig sa pagtanggap ng aplikasyon ng mga human rights victims sa panahon ng rehimeng Marcos.
Opisyal itong nailathala sa Official Gazette noong March 23.
Pahayag ni HRVCB Chairperson Lina Sarmiento, “15 days mula sa paglathala ng joint resolution sa Official Gazette doon nagsimula ang resumption ng filling period. Kaya ngayong araw na ito tayo nag-resume, April 8, 2015.”
Halos 47 libong aplikante ang natanggap ng ahensya sa unang anim na buwan ng filing period na natapos noong November 12, 2015.
Tinatayang nasa 15,000 pa ang maaaring mag-apply bago matapos ang extention ng filing period sa Mayo ng taong ito.
Sabay-sabay namang ipamamahagi ang claims kapag natuloy na ang kabuuang bilang ng mga kikilalaning biktima ng karapatang pantao.
Dagdag ni Sarmiento, “Kahit ikaw ang pinaka-una o kaya ikaw ang pinakahuli, sabay-sabay lahat sila tatanggap dahil kailangang matapos ng board ang pag-aaral, pag-iimbestiga at pagdedesisyon dito sa lahat ng aplikasyon na ito dahil yun ang magiging basehan kung magkano ang kanilang matatanggap.
Pinag-iingat naman ng claims board ang aplikante upang hindi mabiktima ng mga fixer.
Maaari rin namang magsadya sa mga regional office ng Commission on Human Rights ang mga nais i-file ang claim.
“Ito ang ating pinag-aaralan ngayon at iniimbestigahan kung papaano mahihinto ang mga ganitong masamang gawain,” pahabol pa ng chairperson ng Human Rights Claims Board.
Matatagpuan ang head office ng HRVCB sa UP Compound, Diliman, Quezon City. (REY PELAYO / UNTV News)