Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

78 OFW mula sa Yemen, dumating na sa bansa

$
0
0
Ang pagdating ng ilan sa 78 OFW mula Yemen dito sa bansa nitong umaga ng Martes, April 14, 2015. (UNTV News)

Ang pagdating ng ilan sa 78 OFW mula Yemen dito sa bansa nitong umaga ng Martes, April 14, 2015. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Alas-nuebe kinse nitong umaga ng Martes dumating ang eroplanong sinakyan ng pitumpu’t walong Filipino mula sa bansang Yemen.

Kabilang sa mga sakay ng PAL PR Flight 655 ang dalawang bata na anak ng ilan sa mga repatriates.

Ito na ang ikalimang batch ng Filipino repatriates simula nang magpatupad ng mandatory repatriation ang pamahalaan sa naturang bansa bunsod ng nangyayaring gulo.

Isa sa kanila si Susan na dalawang taong nagtrabaho sa Yemen bilang kasambahay.

Pahayag ni Susan, “Iyon po kasi, sobra po kasing putakan, bombahan. Kapag sobra po yung pasabog nila, nanginginig ako. Pati po tuhod ko nanginginig.”

Seguridad habang nasa Yemen din ang ikinababahala ni Aglessi, na may asawang Yemeni at isang anak na naiwan doon.

Kwento ni Aglessi, “Gabi -gabi na lang may dumadaan na eroplano. Psychologically, nakatatakot. Kapag daytime, normal pero kapag gabi na, ayun na. Hindi mo alam kung saan naman bobomba.”

Nakataas ngayon ang alert level four sa Yemen dahil sa lumalalang kaguluhan doon.

Sa ngayon ay may apat na daang Pilipino pa ang nasa Yemen samantalang sa kabuuan ay nasa mahigit 460 na ang nailikas ng pamahalaan.

Patuloy naman ang sapilitang paglilikas ng pamahalaan sa mga Pilipino doon, mapa-undocumented man o hindi.

Pahayag nf DFA sa pamamagitan ng tagapagsalita nito na si ASec. Charles Jose, “Our team there will continue to assist OFWs who would later on signify their intention to leave the country.”

Nangako naman ang gobyerno ng Pilipinas na mayroong naghihintay na kabuhayan dito sa bansa ang mga Filipino repatriates.

“Sa mga nakauwi na, huwag po kayong mag-alala. Yung ating pamahalaan, yung Department of Labor, ulitin ko, DFA, patuloy pong paglilingkuran kayo nang lubos at nang tapat,” pahayag ng OIC ng OWWA-DOLE Repatriation and Assistance na si Yolly Penaranda. (Darlene Basingan / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481