MANILA, Philippines — Muling nagpahayag ng kagustuhan ang Commission on Elections (COMELEC) na ipagpaliban ang barangay at Sanggunian Kabataan (SK) elections.
Magugunitang matapos ang 2013 midterm election nitong Mayo, ipinanukala ni Brillantes na ipagpaliban muna ang Barangay at SK elections na hindi naman inaprubahan ni Pangulong Benigno Aquio III.
Ayon kay Chairman Sixto Brillantes, posibleng maging mas mainit ang labanan sa Barangay elections kumpara sa nakalipas na midterm elections dahil sa hindi pangkaraniwang dami at sigasig ng mga tao sa pagpaparehistro.
“Alisin na ang barangay at SK, tingnan natin kung tatakbo ang Pilipinas ng wala nyan (sir, pati barangay?) Oo pati barangay. Ngayon sabi ni presidente, ituloy natin, so ok sa amin, pero gusto namin kung pwedeng ipostpone kahit SK. Tignan natin kung tatakbo tayo ng walang SK,” ani Brillantes.
Sinang-ayunan din ni Brillantes ang panukalang batas ni Senador Bongbong Marcos na Senate Bill No. 1186 na naglalayong kanselahin muna ang SK elections sa October 28 upang masimulan ang paguusap sa reporma ng kasalukuyang istraktura ng SK.
Suportado rin ni Senate President Franklin Drilon ang panukala ni Marcos.
Naniniwala si Brillantes na magiging daan ang naturang bill upang matalakay sa kongreso kung nararapat ang pag-abolish sa SK elections.
Sa kasalukuyan ay sinisimulan na ng COMELEC ang pre-bidding conference bilang paghahanda sa mga gagastusin sa October 28 elections.(Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)