MANILA, Philippines — Sakaling matigil na ang kaguluhan sa Yemen, may ilan pa ring Filipino repatriates ang nagbabalak na bumalik upang magtrabaho.
Katwiran ni Eric de Asis, isa sa mga repatriate, kulang ang oportunidad na makapagtrabaho dito sa Pilipinas.
“Siguro babalik ako sa ibang bansa, wala tayong maasahan dito.”
Para naman kay Paquito Gaitos, “Sakaling mabigyan sya ng oportunidad na makapagtrabaho dito sa Pilipinas sasamantalahin nya ang pagkakataon upang kumita pa rin kahit papaano.
Subalit umaasa pa rin siya na muling makabalik sa Yemen upang kumita ng mas malaki.
Ani Gaitos, “Pwede rin, para dito na lang muna,pansamantala pero pag maayos na dun baka bumalik ulit.”
Para naman kay Charmaine Francisco na dalawang taon ring nagtrabaho sa Yemen bilang nurse, wala na siyang balak pang bumalik.
“Wala na po, ayaw na po, siguro sa ibang bansa na lang po na safe.”
Nitong Biyernes ay nakauwi na sa bansa ang 43 Filipino mula sa Yemen at kasama dito ang apat na bata na mga anak ng ilang OFW.
Ito na ang ika-pitong batch ng mga Filipino repatriates na nailikas ng pamahalaan dahil sa lumalalang kaguluhan sa Yemen.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang sapilitang paglilikas sa ating mga kababayan sa Yemen dahil sa matinding kaguluhan doon nangako naman ang gobyerno ng Pilipinas na mayroong naghihintay na kabuhayan dito sa bansa para sa mga Filipino repatriates.
Pahayag ni Yolly Penaranda na OIC ng OWWA Repatriation and Assistance, “Meron po tayong assist well na sinasabi, ito po yung welfare employment legal assistance at livelihood programs ng Department of Labor and Employment.”
Sa datos ng DFA, nasa kabuoang 385 na mga Pilipino mula sa Yemen ang nakabalik na sa bansa, habang nasa halos tatlong daan naman ang hindi pa rin nakakauwi sa Pilipinas.
Sa ngayon ay patuloy na inaasikaso ng pamahalaan ang mga dokumento ng mga Pilipinong nasa Yemen upang makauwi na ng Pilipinas. (JOAN NANO / UNTV News)