MANILA, Philippines — Mahaharap sa kasong direct assault complexed with murder ang 90 miyembro ng MILF, BIFF at private armed groups (PAGs) dahil sa pagpatay sa 35 miyembro ng PNP-SAF sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao noong January 25.
Bukod pa rito ang kasong theft dahil sa pagnanakaw sa ilang mga armas at personal na gamit ng mga nasawing SAF commandos.
Batay sa inilabas na report ng DOJ-NBI special investigation panel, unang nagpaputok ng baril ang mga miyembro ng 55th Special Action Company samaisan sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano.
Kasama rin sa ulat ang pagkakaroon ng sabwatan ng mga miyembro ng MILF, BIFF at private armed groups upang patayin ang 55th SAC commandos o ang tinatawag na ‘Pintakasi’.
Alas-otso ng umaga ng January 25, batid na ng MILF, BIFF at PAGs na ang kanilang ka-engwentro ay pawang mga police officers.
Ayon sa imbestigasyon, sinubukang sumuko ng 55th SAC sa laban, ngunit nagpatuloy ang MILF, BIFF at PAGs sa pagpapaputok ng baril hanggang sa hindi na makalaban ang mga SAF troopers, dahil karamihan sa kanila ay nasawi na habang ang iba naman ay malubhang nasugatan sa insidente.
Matapos ang putukan, agad na tumawid ng ilog ang ilang miyembro ng MILF, upang paslangin ang iba pang PNP-SAF ng 55th SAF.
Ilan lamang ito sa mga nakitang batayan ng DOJ special panel upang sampahan ng kaso ang 90 suspek sa insidente.
Sa kabila nito hindi muna pinangalanan ng DOJ ang mga suspek na inirekomendang sampahan ng kaso.
Nakalagay rin sa ulat na batay sa mga nakalap na ebidensya, hindi rin dapat na tawagin massacre o misencounter ang pangyayari.
Samantala, karagdagang dalawang buwan o hanggang June 25 naman ang binigay sa special panel upang ituloy naman ang imbestigasyon sa mga pumatay sa siyam pang miyembro ng PNP-SAF malapit sa bahay ni Marwan.
Ayon kay Sec. De Lima, itutuloy din ang imbestigasyon sa pagpatay sa ilang sibilyan at miyembro ng MILF.
Ngunit ayon sa kalihim, wala pang tugon ang MILF sa kanilang hiling na makausap ang mga testigo at kapamilya ng napatay na mga rebelde.
Una nang ipinahayag ng Malakanyang na malaya ang DOJ na magsampa ng kaso sa may mga pananagutan sa Mamasapano incident. (JOAN NANO / UNTV News)