Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Karagdagang kaso laban sa 90 suspek sa Mamasapano incident, pag-aaralan ng DOJ-NBI special panel

$
0
0

FILE PHOTO: Si DOJ Secretary Leila De Lima sa pag-ocular inspection sa pinangyarihan ng Mamasapano incident noong January 25, 2015 na pinagbuwisan ng buhay ng 44 PNP-SAF commandos. Ngayon ay pinag-aaralan ni Sec. De Lima kung anu-anong kaso pa ang maaaring idagdag sa 90 suspek na nauna nang sinampahan ng kasong direct assault at theft.  (UNTV News)

MANILA, Philippines — Hindi kuntento si Sec. Leila de Lima sa pananaw ng DOJ-NBI special panel na hindi aplikable sa Mamasapano incident ang Republic Act 9851 o ang batas na nagpaparusa sa mga paglabag sa International Humanitarian Law o IHL.

Kaya’t pinare-repaso nito sa panel ang mga kasong maaring isampa sa 90 suspek sa ilalim ng IHL.

Una nang sinabi ng special panel sa kanilang report na hindi aplikable ang IHL sa insidente sa Mamasapano dahil may umiiral na tigil-putukan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng Moro.

Ngunit naniniwala si Sec. De Lima na may paglabag sa IHL dahil pinatay pa rin ang mga sugatan at sumusuko nang SAF Commandos.

“Nung nakita ng aming witness na nagsu-surrender na, ilan-ilan lang yun nung nakita niyang ganun and yet, pinatay pa rin. So that’s already willful killing. Saka yung mga, kasi ‘hors de combat’ (outside the fight) na sila eh, na they’re already rendered wounded, defense-less tapos ipi-finish off mo, that can fall under IHL. Pinapa-double check ko yan,” ani Sec. De Lima.

Inatasan din ng kalihim ang DOJ-NBI Special Panel na pag-aralan kung maaring sabay na kasuhan ang mga suspek sa ilalim ng International Humanitarian Law at ng Revised Penal Code (RPC).

Dahil dito posibleng madagdagan pa ang mga kasong direct assault with murder at theft na inirekomenda ng panel laban sa mga suspek sa pagpatay sa mga SAF commando.

Ani De Lima, “Pero ang unang tingin ko nga diyan, mukhang walang duplicity of offenses kasi may mga elements doon na violation ng IHL na ibang set of evidence ang pwedeng mag-prove na wala naman doon sa RPC, yung complex crime of direct assault with murder.

Ayon pa sa kalihim, hihintayin muna niya ang memorandum ng special panel bago isalang sa preliminary investigation ang mga reklamo laban sa mga suspek.

Samantala, gagawin naman ng PNP ang lahat upang tugisin ang mga personalidad na sasampahan ng kaso ng DOJ.

Ayon kay PNP-OIC Deputy Director General Leonardo Espina, hinihintay na lamang nila ang mga warant of arrest na ilalabas ng korte laban sa 90 suspects na kabilang sa DOJ-NBI report na dapat kasuhan.

“Dito tayo nag-uumpisa ng hustisya para sa mga namatay kong mga pulis yung 44. From here, we will proceed against the suspects according to law and accordance with all legal rules,” pahayag ni General Espina. (RODERIC MENDOZA / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481