QUEZON CITY, Philippines — Mula sa iba’t ibang henerasyon, hinangaan at kinilala ng marami — ang PBA Legends — muling magbabalik sa hardcourt sa isang araw, sa isang layunin na makatulong sa kanilang kasamahan na isa ring PBA Legend na si “Sky Walker” Samboy Lim.
Sa pangunguna ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon, ang nag-organisa ng natatanging basketball league ng mga public servant, ang UNTV Cup.
Isang panibagong kawanggawa ang nabuo na mag-uugnay sa mga PBA Legends sa natatanging exhibition match laban sa selections ng UNTV Cup Season 3.
Bahagi ng kikitain nito ay ibibigay na tulong para sa pagpapagaling ni Samboy Lim na kasalukuyang sumasailalim sa therapy session matapos ma-ospital at ma-confine sa intensive care unit nang bigla na lamang nag-collapse sa isang exibition match noong nakaraang taon.
Pangungunahan ang team ng PBA Legends, nina 4-time PBA MVP Ramon Fernandez, Alvin Patrimonio, ang backcourt partner at malapit na kaibigan ni Samboy Lim na si Allan Caidic.
“Yung idea ni Mr. Razon is in behalf of the players game, UNTV will donate a certain amount sa family ni Samboy para sa kaniyang recovery,” ani Allan Caidic.
Kasama rin sa Skywalker All-Star sina Hector Calma, Franz Pumaren, Jerry Codiñera, Olsen Racela, Bong Ravena, Ato Agustin, Art dela Cruz, Alvin Teng, Jojo Lastimosa, Tonichi Yturri, Ronnie Magsanoc, Bogs Adornado, Philip Cezar, Freddie Hubalde, Noli Locsin, Johnny Abarrientos, Nelson Asaytono, Bong dela Cruz, UNTV Cup Commissioner Atoy Co at Deputy Commissioner Ed Cordero.
Pahayag ng Commissioner Atoy “The Fortune Cookie” Co, “Nagka-idea si Kuya na nagkaroon tayo ng isang player na medyo nagkasakit, kailangang-kailangan niya ng medyo malaking halaga para ipagpatuloy ang pagpapagamot kaya naisipan natin na magkaroon ng exibition game para magdo-donate tayo ng certain amount para sa pamilya ni Samboy Lim.”
Pahayag naman ni UNTV Cup Deputy Commissioner Ed Cordero, “Yung mga taga-subaybay ng UNTV Cup at yung mga fans ni Samboy Lim sana po suportahan nyo ang ating exibition game.”
Makakaharap naman nila ang piling mga players mula sa iba’t-ibang koponan ng UNTV Cup Season 3 na sina PO3 Jaymann Misola, Police Chief Inspector Reynaldo Agoncillo at PO2 Olan Omiping ng PNP Responders Corporal Jeffrey Quiambao of AFP cavaliers, Process Server Rico Escalante ng Bureau of Immigration Agent Christopher Tagle ng DOJ Justice Boosters, Lloyd Francisco at Regional Director Aloveel Ferrer ng BFP Firefighters, Mayor Beng Tupas ng HOR Solons, Staff Officer Michael Nuyana of GSIS Furies, Waldemar Tibay ng NHA Builders, Gatekeeper PJ Villanueva at Computer Operator Joether Mallare ng MMDA Black Wolves.
Magsisimula ang Skywalker Exhibition match bandang alas 6:30 ng gabi sa Smart-Araneta Coliseum bago ang game 2 ng UNTV Cup Season 3 Finals. (BERNARD DADIS / UNTV News)