MANILA, Philippines — Matapos ipagpaliban ng Indonesia ang pagpapatupad sa hatol kay Mary Jane Veloso, agad na bumuo ng isang special panel si DOJ Secretary Leila de Lima upang tutukan ang kaso nito.
Kasama sa special panel ang ilang prosecutor, imbestigador ng NBI at ilang eksperto sa pagdating sa mutual legal assistance treaty o MLAT.
Pinulong ng kalihim ngayong hapon ang panel upang pag-usapan kung paano ang gagawing proseso upang makunan ng karagdagang salaysay si Veloso.
Gagamitin ang makukuhang testimonya upang patibayin ang isinampang mga reklamo laban sa mga recruiter ni Mary Jane.
Sa unang salaysay na nakuha ng PDEA kay Veloso, sinabi nito na niloko siya ng recruiter na si Maria Kristina Sergio at hindi niya nalalaman na may lamang droga ang maletang ipinadala sa kanya.
Pahayag ni Sec. De Lima, “Kapag na-validate ang kanyang mga sinasabi through additional evidence and yung resulta ng preliminary investigation, that would be good for Mary Jane, baka mayroon pa na ibang remedy para sa kanya para maisalba lang siya from the death sentence.”
Ayon kay De Lima, hindi man tuluyang mapawalang-sala si Veloso, posible namang mapababa sa habang buhay na pagkakabilanggo ang sentensya nito kapag napatunayang niloko lamang siya ng kanyang recruiter.
Makikipag-ugnayan din ang special panel sa mga awtoridad sa Malaysia upang makakuha ng ebidensya sa lugar kung saan iniabot kay Mary Jane ang maletang may lamang mga droga.
Pag-aaralan din ng special panel ang mga batas ng Indonesia upang alamin kung posible pang mabuksan muli ang paglilitis kay Veloso.
Isa sa naging dahilan upang ipagpaliban ng Indonesia ang pagpapatupad sa hatol kay Mary jane ang mga reklamong isinampa laban sa mga recruiter nito.
Nakumbinsi ang mga awtoridad sa Indonesia na mawawalan ng saysay ang mga reklamo isinampa ng NBI kapag pinatay si Veloso dahil ito lamang ang tumatayong complainant at testigo.
Nakatakdang isagawa sa susunod na Biyernes, Mayo 8 ang preliminary investigation sa mga reklamong illegal recruitment, human trafficking at estafa na isinampa ng nbi laban kina Sergio, Julius Lacanilao at isang African na kilala lamang bilang alyas Ike. (RODERIC MENDOZA / UNTV News)