QUEZON CITY, Philippines — Kumpleto na ang delivery ng 210 units ng KIA patrol jeep na binili ng Philippine National Police.
Ito ay mula sa kanilang 2014 Capability Enhancement Program.
Ayon kay DILG Sec. Mar Roxas, nakatakda itong ipamigay sa mga manoeuvre forces ng PNP tulad ng Regional Public Safety Battalion, Provincial Public Safety Command, NCRPO Special Action Force, Maritime Group at Special Weapons and Tactics.
“Kabahagi ito ng pinalawak at pinag-igting na anti-criminality campaign ng PNP na talagang pwedeng ipagmalaki,” pahayag ni Sec. Mar Roxas.
Ang KIA patrol jeeps ay bukod pa sa 1470 units ng Mahindra enforcer jeep na nakatakdang ide-deliver by batch sa buwan ng Mayo, Hulyo, Augusto, Setyembre at Nobyembre.
Sinabi pa ng kalihim na malaki ang gagampanan ng mga patrol jeep sa maayos na pagtupad ng mga pulis sa kanilang trabaho tulad ng mabilis na pagresponde sa mga kalamidad at krimen.
“Ang layunin nito ay para dalhin ang ating mga kapulisan sa mga lugar na kakailanganin nila ang ating presensya.”
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng PNP sa pag-alalay ng NAPOLCOM sa gamit ng Pambansang Pulisya.
Pahayag ni PNP OIC P/DDG Leonardo Espina, “There was no time in the history of the PNP na bumaha ang sasakyan at ang baril namin meron na lahat ng pulis pati ho yung communication system namin.”
Ang 4×4 KIA Patrol Jeep ay may kapasidad na 18 tao at kayang tumakbo sa mga maputik at bulubunduking lugar.
May approved budget ang 210 patrol jeep na mahigit P476 million subalit nabili lamang ito ng mahigit P397 million o P1.8 million bawat isa.
Sa nasabing presyo nakatipid ang pnp ng mahigit P78 million. (LEA YLAGAN / UNTV News)