MANILA, Philippines — Pangungunahan ng Senate Blue Ribbon Committee on National Defense and Security at Finance ang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga helicopter ng Department of National Defense.
Ayon sa Senate Resolution No. 1238 ni Senador JV Ejercito, dapat na imbestigahan ng Senado ang umano’y anomalya sa pagbili ng Department of National Defense sa 21 UH-1 Combat Helicopters na nagkakahalaga ng 2.1 billion pesos.
Bukod kay Ejercito, pinaiimbestigahan rin ni Senator Estrada ang nasabing kontrobersya.
Sa Senate Resolution 1245 ni Estrada, nais nitong pa-imbestigahan ang implementasyon ng Republic Act 10349 o ng Revised AFP Modernization Act.
Sinabi ni Estrada na labag sa provision ng RA 10349 ang ginawang pagbili dahil “obsolete” na ang UH-1 helicopters.
Dapat ding masuri ang deal kung hindi lugi ang pamahalaan at tama ang ginawang paggasta sa pero ng mga mamayan.
Samantala, nanindigan ang Department of National Defense na naging maingat at sinigurong walang nakaligtaan bago binili ang mga helicopter.
Pahayag ni Defense Undersecretary for Finance, Ammunitions and Material USec. Fernando Manalo, “Very meticulous po yan talagang may checklist po yan hindi pwedeng may makaligtaan, pag sinabi ng maintenance officer, pag sinabi ng maintenance and CO ISE certify niya that the helicopter is ready for test flight.”
Nagpahayag rin ng pagkadismaya ang dnd sa mga bumabatikos sa mga proyekto nito.
Pahayag ni USec. Manalo, “Ang nakakasama lang ng loob yung mga, may paisa-isa na sumisingit na sumisira doon sa magandang imahe ng ating tanggulang pambansa, but yan ay reality na.”
Kabilang sa resource person ng Senado sa Miyerkules sina DND Secretary Voltaire Gazmin, Undersecretary for Finance, Ammunitions, Installations and Material / Chairman Bids and Awards Committee Fernando Manalo, Defense Acquisition Office Chief Atty. Editha Santos at AFP Chief of Staff Gregorio Pio Catapang Jr.
Ngayong Martes, ang Department of National Defense na idaan sa proseso ang isyu upang makapagpaliwanag ang bawat panig. (BRYAN DE PAZ / UNTV News)