CANADA — Dumating na sa Ottawa si Pangulong Benigno Aquino III bandang alas-dose ng tanghali o alas-dose ng madaling araw naman diyan sa Pilipinas.
Kagagaling lamang sa overnight working visit sa Chicago agad na nagtungo si Pangulong Aquino sa Rideau Hall sa Ottawa para sa kanyang courtesy call kay Canadian Governor General David Johnston.
Sumakay ang pangulo sa isang horse drawn landau at binigyan siya ng full military honors sa tahahan ni Governor General Johnston.
Sa welcome ceremony remarks sinabi ng pangulo na ang mga Pilipino at Canadian ay may pagkakapareho ng kaugalian.
Pahayag ni President Benigno Aquino III, “I understand that Canadians and Filipinos share many traits and values, perhaps most prominently among them a predisposition to kindness and hospitality; not to mention the fact that there are more than half a million Filipinos here, some of whom I will be speaking to within the next few days.”
Umaasa rin ang pangulo na ang kanyang pagbisita ay lalong magpapatibay sa relasyon ng Pilipinas at ng Canada.
“We look forward to strengthening our already robust relations. I believe that: if we continue engaging one another, as we have done in the past, then we can turn our collective aspirations of meaningful, shared progress that is inclusive into tangible realities sooner rather than later.”
Matapos nito ay nagsagawa ng ceremonial tree planting na ipinangalan kay Pangulong Aquino.
Dumalo din ang pangulo sa isang reception at state dinner sa Rideau Hall sa pangunguna nina Honourable David Johnston and Mrs. Sharon Johnston.
Samantala, nagbigay naman ng pahayag ang ilan nating mga kababayan ukol sa kanilang nais marinig sa ulat ng ating pangulo.
Pahayag ni Chairperson Nora Ariola ng Philippine Independence Committee – Ottawa, “Well, I hope the Philippine president will bring up yung tungkol dun sa immigration. Kase there’s a lot of changes when it comes to immigration here in Canada. It’s harder for our kababayans to come here and stay here.”
Pahayag ng isa pang Pinoy sa Canada, “Sana kung mapag-usapan din yung tungkol sa temporary workers, kung paano ang mabuti para sa kanila dito.”
Nagbigay rin ng pahayag ang Filipino-Canadian Senator na si Tobias Enverga hinggil sa mga inaasahang maa-accomplish sa pagbisita ng pangulo sa bansa.
Pahayag ni Senator Enverga, “We want to promote more yung ating trade kasi unang una maganda ang ekonomiya ng Canada at pagagandahin din natin ang Pilipinas through mutual trade.”
Biyernes dito sa Canada ay makakausap ni Pangulong Aquino si Prime Minister Stephen Harper at mga Filipino community sa Toronto habang sa Sabado ay tutungo siya sa Vancouver upang makumusta ang mga Pinoy doon.
Inaasahang uuwi ang Pangulo sa Pilipinas sa darating na Lunes. (NOEL POLIARCO / UNTV News)