MANILA, Philippines — Noong una ay matumal pero habang papalapit ang pagtatapos ng itinakdang deadline ng COMELEC, isa-isang nagdatingan ang mga political party at party list upang magparehistro para 2016 national elections.
May mga grupong nais isulong ang kapakanan ng mga manggagawa tulad ng Pilipinos Aspiring for Country Yes Man Advancement Organization o PACYAO.
Ang iba balak naman tutukan ang kalagayan ng mga OFW, taxi driver at iba.
Pahayag ni PACYAO Legal Officer Romeo Cabalitan ukol sa layunin ng pagsali ng kanilang grupo, “Yung mga hindi masyadong nabibigyang pansin ang kanilang mga karapatan bilang manggagawa.”
Para naman sa chairman ng grupong OFW o Overseas Filipino Worldwide na si Mike Atil, “Hindi natin mabilang kung ilan ang nakakulong sa abroad at nasa deathrow pa sila, wala man lang nag-aasikaso sa kanila. Yung mga embassy natin, halos hindi nila mabigyan ng atensyon iyan (dahil) marami din silang trabaho.”
Sa tala ng poll body, nitong tanghali umabot na sa 91 ang bilang ng mga political party at partylist organizations ang naghain ng kanilang petition for accreditation.
Habang 126 naman ang mga dati nang rehistradong grupo ang nagsumite naman ng manifestation of intent to participate upang makasali sa 2016 elections.
Kabilang sa nagsumite ng aplikasyon upang mairehistro bilang regional political party ang United Bangsamoro Justice party ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Isang Yasser Ebrahim ang nagsumite ng petisyon noong May 6.
Pahayag ni MILF Chief Negotiator Mohagher Iqbal. “Meron na. Ni-register namin kahapon: United Bangsamoro Justice party. There is no coalition at this point in time because what we are trying to establish is a principle political party that has very clear platform of government.”
Paliwanag naman ni COMELEC Spokesperson Dir. James Jimenez, “One of the ideas behind filing for accreditation as a political party is actually mainstreaming. I can’t speak for the commission en banc on how they will decide the petition. I think one of the things that are very obvious here is that this is an effort to actually go mainstream in keeping with there stated policy of bullets to ballots.”
Paliwanag ng poll body, sasalain pa ang mga aplikasyon kung papasa sa requirement ng batas upang malista sa balota.
Maari ring maghain ng petisyon laban sa mga grupong nagpaparehistro.
Dagdag pa ni Dir. Jimenez, “There are certain requirements obviously. You should not adopt violence for instance as an instrument of policy. You should not be a religious organization.”
Maaring ipatawag ng COMELEC En Banc ang isang nag-apply na grupo kung may kailangang linawing ilang bagay.
Sa October 12 to16 itinakda naman ng COMELEC ang pagsusumite ng mga nominee ng mga partylist group. (VICTOR COSARE / UNTV News)