SORSOGON, Philippines — Nakabalik na sa kani-kanilang mga bahay ang mga residente sa Irosin na pinalikas ng mga awtoridad bago pa manalasa ang bagyong Dodong nitong weekend.
Tinatayang aabot sa tatlong daang indibidwal o katumbas ng siyamnapu’t walong pamilya mula sa Brgy. Cogon ang isinailalim sa pre-emptive evacuation noong Biyernes dahil sa bantang lahar flow mula sa Mount Bulusan sa kasagsagan ng bagyo.
Subalit naging mahina lamang ang pag-ulan sa bahagi ng Sorsogon noong Sabado at Linggo na hindi naman nagdulot ng pagragasa ng lahar. Agad ring umaliwalas ang panahon kaya nagdesisyon na rin ang lokal na pamahalaan na pauwiin na ang mga evacuee.
Pahayag ni Ms. Fretzie Mechelina ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office-Irosin, “Kapag tiningnan mo naman dito ngayon, talagang maganda ang panahon at walang ulan. So, ang fear kasi natin ngayon ay yung lahar flow. So, ang threat na yun ay wala na kaya pinayagan na natin silang makauwi.”
Daing naman ng evacuee na si Dolores Dawal, “Kasi mahirap talaga doon sa evacuation-an, mahirap…”
Tiniyak naman ng MDRRMO na handa pa rin sila anumang oras na muling itaas ang alerto sa bulkang bulusan kapag nagpatuloy ang pag-aalboroto nito.
Ngayong araw ng Lunes ay inaasahang matatapos na ng geodetic engineers ng PHIVOLCS ang isinasagawang precise levelling at ground deformation monitoring sa Brgy. Inlagadian sa Casiguran, Sorsogon patungo sa dalisdis ng Mt. Bulusan.
Pagkatapos nito ay susukatin naman ang dalawa pang natitirang barangay mula naman sa bayan ng Irosin na nakapaligid pa rin sa bulkan.
Sa ngayon ay mahina o weak white steaming lamang ang nai-rehistro ng PHIVOLCS at nasa tatlo lang din ang naitalang volcanic quakes sa loob ng 24 oras. (ALLAN MANANSALA / UNTV News)