MANILA, Philippines — Alas-tres kwarenta’y singko ng madaling araw nitong Miyerkules nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ang eroplanong sinakyan ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao mula sa Los Angeles, California.
Ngayon lang nakauwi sa bansa si Pacquiao dahil kinailangan pa niyang magpa opera sa balikat dahil sa rotator cuff injury matapos ang laban kay Floyd Mayweather Jr. sa Las Vegas.
Sa kanyang pagharap sa media, sinagot niya ang ilang katanungan kaugnay ng kanyang injury at resulta ng laban kay Mayweather.
Ayon kay Pacquiao, kumbinsido siyang siya ang nanalo sa laban by two points nang panoorin niya nang paulit-ulit ang recorded version ng mega fight.
Ngunit bilang isang professional boxer, tiwala siya sa desisyon ng referee at judges kaya payo niya sa boxing fans na tanggapin na lamang ang resulta.
Hindi rin niya dinamdam ang pagkatalo kay Mayweather dahil panalo naman siya sa puso ng kanyang mga taga-suporta.
Pahayag ni Manny Pacquiao, “Even if I do not feel well after the third round, fourth round, if we look at it round by round, you’ll see that we didn’t lose. But like I said, we respect the decision of the judges.”
(Kahit hindi na maganda pakiramdam ko sa 3rd round at 4th round, kung titingnan natin kada-round, makikita nyo na hindi tayo natalo. Pero gaya nga ng sinabi ko, dapat respetuhin natin ang desisyon ng mga hurado.)
Payo rin niya sa ating mga kababayan na huwag nang patulan ang mga pasaring ni Mayweather.
Sa ngayon ay wala pa siyang plano sa boxing career dahil focus niya muna ang pagpapagaling sa kanyang balikat.
“I haven’t discussed with anyone about my next fight. My focus right now is my shoulder recovery and make it 100 percent okay, and my focus is on my Congress work and family.”
(Hindi ko pa naitatalakay kanino man ang susunod kong laban. Ako ay nakatuon ngayon sa pagpapagaling ng aking balikat na maging maayos na ito nang 100 porsyento, at ang isip ko ngayon ay nasa trabaho ko sa Kongreso at sa pamilya.)
Samantala, nagsagawa rin ng motorcade si Pacquiao mula Makati hanggang Maynila.
Dito namigay siya ng mga t-shirt at CD sa mga nag-aabang na fans.
Hati naman opinyon ng Filipino boxing fans sa usapin kung dapat pa itong muling lumaban matapos ang operasyon sa kanyang balikat.
Para sa boxing fan na si Oscar Ibarra, “Gusto pa namin siyang bumalik sa boxing sapagkat nakita namin ang kanyang laban halos wala naman siyang naramdamang tama na mabigat.”
(We still want him to return to boxing because we saw that he did not suffer any serious damage from the fight. That’s why he should continue to fight.)
Para naman kay Jesus Robles, “Politics na lang sir, wag nang boxing kasi medyo marami nang nararamdaman si Pambansang Kamao natin. OK na yun para sa atin hero na siya.”
(He should look into politics rather than boxing. He should take a rest because our nation’s fist is having difficulties. He’s done his job. For us, he’s already our hero.)
Personal naman na binati at kinamusta ni Pangulong Aquino si Pacquiao nang mag-courtesy call ngayong hapon sa Malakanyang.
Kasamang sumalubong sa Malakanyang ang ilang miyembro ng gabinete tulad nina Executive Secretary Paquito Ochoa, Communication Secretary Herminio Coloma Jr. (Bernard Dadis / UNTV News)