QUEZON CITY, Philippines — Na-establish na ang dahilan ng sunog sa pabrika ng tsinelas sa Valenzuela City nitong Miyerkules.
Nagsimula ito sa front gate ng gusali na kung saan ay may nag-we-welding. Ang spark mula sa welding ay napunta sa isang chemical compound na siyang pinagmulan ng sunog na mabilis na kumalat sa building.
Subalit wala pang pinal na resulta ang imbestigasyon ng Philippine National Police kung bakit marami ang namatay at bakit hindi agad nakalabas sa fire exit ang mga empleyado.
Mayroong building permit at business permit ang pabrika ng tsinelas.
Ayon kay City Fire Marshall Mel Jose Lagan, na inspeksyon ang naturang gusali ngayong taon at nakapasa ito sa fire safety compliance ng lungsod.
Kinumpirma rin ni lagan na mayroong fire exit ang warehouse sa bandang hulihan ng gusali.
Subalit ang hindi pa malinaw sa ngayon, bakit marami ang hindi nakalabas nang buhay sa loob ng warehouse gayong may ilang mga survivor ang nagpapatunay na nakalabas sila mismo sa fire exit.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagtukoy ng PNP Crime Lab sa mga nasunog na katawan ng mga biktima.
Subalit mukang negatibo na na makakuha ng impormasyon sa pamamagitan ng finger print, sinusubukan ng mga forensic expert na makakuha ng impormasyon thru dental record at sa pamamagitan ng DNA.
Sa mga katawan na hindi masyadong nasunog, makakatulong ang mga tinatawag na secondary modifier gaya ng relo, cellphone, suot na damit at iba pa.
Sa barangay hall ng barangay Maysan dinala ang mga bangkay na nakasilid sa mga cadaver bag at dito rin nagtitipun-tipon ang mga pamilya upang makatulong sa pagtukoy sa mga namatay.
Nangako naman ng tulong pinansyal ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela sa mga naulila ng mga biktima. (MON JOCSON / UNTV News)