QUEZON CITY, Philippines — Hindi na muna makakapag-operate ng legal ang mga online enabled transportation service gaya ng UBER at Grab taxi dahil pinasususpinde ng House of Representatives ang department order ng Department of Transportation and Communications na ma-regulate ang mga ito.
Ayon sa House Committee on Transportation, kailangan ng mas malalim na pag-aaral bago mai-konsidera na public utility vehicle ang mga online transport service.
Tumutol ang mga taxi operator sa kautusan ng LTFRB na ma-regulate ang mga online transport service dahil hindi anila patas ang kompetisyon.
Nakakapag-operate ang mga ito na hindi man lamang kumukuha ng prangkisa sa LTFRB hindi gaya ng mga regular na taxi.
Nakakapagtakda rin sila ng sarili nilang halaga ng pasahe habang kontrolado ng LTFRB ang pasahe sa taxi.
Pahayag ni Atty. Joseph Vincent Go ng Philippines National Taxi Operators Association, “Ang justification ni DOTC, there is a demand yun ang sinasabi. If there is a demand, bakit hindi mo buksan ang franchise ng taxi? Yun ang kwestyon namin eh.”
Tumutol rin ang mga commuter group at sinabing delikado ang sumakay sa mga online transport service lalo na at walang insurance ang mga pasahero sa pagsakay dito.
Pahayag naman ni Elvira Medina ng National Center for Commuters Safety and Protection, “Kung may mangyari huwag naman sana ipahintulot ng Dios na magka-aksidente ang nalakalagay sa service contract ay hindi mo pwede habulin ang Uber.”
Nakahanda namang sumunod sa anumang ipag-uutos ng kamara ang mga operator ng online transport service.
Pahayag naman ni Natasha Bautista ng Grab Taxi, “We will comply weve always been compliant with the government if they say suspend, suspend but well wait for further instructions.”
Subalit nanindigan ang LTFRB na mabigyan ng prangkisa at maihanay bilang public utility vehicle ang mga online transport service.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Winston Ginez, “Kami sa LTFRB maliwanag na ang mga transport network vehicle service ay mga sasakyan na magiging pampubliko kaya hindi na sila magiging private vehicles pag ito ay ginamit… mag a-apply at dadaan sila sa same process ng LTFRB bago mabigyan ng certificate of public convenience.”
Binigyan ng isang linggo ng kamara ang mga taxi operator at ibang stakeholders upang makapag sumite ng position paper upang madesisyunan ang pag-regulate sa mga online transport service. (MON JOCSON / UNTV News)