PASIG CITY, Philippines — Nagdiwang ang Filipino Society of Composers, Authors and Publishers o FILSCAP ng ikalimampung anibersaryo sa Crowne Plaza Grand Ballroom sa Ortigas kamakailan.
Ang selebrasyon ay may titulong “Ani ng Ginto, galing sa Galing” dahil sa narating ng grupo ang 50 golden years sa pamamagitan ng pagbabahagi ng angking galing sa paglikha ng bawat miyembro nito.
Pahayag ni FILSCAP President Noel Cabangon, “We’re here to protect and enforce the rights of the Filipino composers and also the rights of our affiliates.”
Kaugnay ng naturang pagdiriwang ay ang pagbibigay parangal sa ilang piling batikang kompositor tulad nina Vehnee Saturno at Jose Mari Chan dahil sa natatanging kontribusyon nila sa paglago ng musikang Pilipino.
Pahayag ni Lifetime achievement awardee Vehnee Saturno, “Sabi ko sa sarili ko, as long as kaya kong sumulat, susulat pa rin kasi mahirap agad bitawan kasi for a long time, this is my 35th year.”
Para naman kay Jose Mari Chan, “I feel proud in the company of Ryan Cayabyab, Jim Paredes and Louie Ocampo, Manoling Fransisco, Vehnee Saturno et al.”
Samantala, nagpapasalamat naman si Noel Cabangon sa mga organizer ng songwriting competition tulad ng A Song of Praise o ASOP Music Festival ng UNTV dahil malaking tulong ito aniya sa kanilang grupo.
“Malaking tulong ang mga song festival dahil dito nae-engganyo na lumabas ang galing ng mga kompositor nating mga kababayan at nagkakaroon kasi ng venue, nagkakaroon ng lugar, nagkakaroon ng pagkakataon mailabas nila ang kanilang malikhain na talento at maganda rin yun para madagdagan ang ating repertoire, lalo yung ginagawa ninyo sa ASOP malaking bagay ito.”
Maging ang regular na hurado ng ASOP at naging pangulo na rin ng FILSCAP na si Doctor Musiko Mon del Rosario ay sinabing malaking tulong sa music career nya ng programa.
“Unang-una yun ang portal or venue ko para makapag-share ng aking mga natutuhan along the way. Kasi para hindi mamatay ang natutunan, kailangan isalin mo talaga, eh. Very fulfilling ang job ko as resident judge ng ASOP.”
Sa ngayon ay tagapamuno si Doc Mon ng isa pang grupong naka-ugnay din sa pagtulong sa mga kompositor, ang Filipino Composers Development Cooperative o FILCOMDEC. (ADJES CARREON / UNTV News)