QUEZON CITY, Philippines — Libreng pabahay at lupa ang handog ng National Housing Authority o NHA sa mga naulilang pamilya ng apatnapu’t apat na nasawing SAF commandos.
Ito’y bilang karagdagang tulong sa mga pamilyang naiwan ng mga SAF commandos sa Mamasapano encounter.
Ayon kay NHA General Manager Atty. Chito Cruz, ibinibigay nila ito depende sa pangangailangan ng mga naulilang pamilya.
“Depende kasi sa pangangailangan. Kasi hindi natin ginagawa in one area ito eh. Yung mga kanya kanya naulila, gusto nila sa probinsya nila. Yung iba gusto sa magulang nila. So, depende sa pangangailangan.”
Sinabi rin ni Cruz, bukod sa pabahay ang iba sa mga kaanak ng SAF44 ay lote ang hinihiling sa halip na bahay.
Ayon kay Cruz, sa ngayon, sampung pamilya na ang napagawaan ng bahay samantalang ang iba naman ay nabigyan na ng lote.
Sa susunod na buwan, mamimigay pa ang NHA ng sampu pang bahay o lote sa mga naulila ng SAF.
“Iyong iba nga 2 dahil, iyong magulang din. Yung iba alam natin breadwinner ng pamilya, noong mga nanay at tatay, so pati iyon isinasama natin sa mga pinagagawan natin ng bahay. Medyo nilalakihan natin ng unti para maisama sila,” pahayag ng NHA General Manager Chito Mil Cruz. (DARLENE BASINGAN / UNTV News)