RIZAL, Philippines — Mabilis na isinugod sa ospital ang tatlong nasugatan sa nangyaring banggaan ng tatlong sasakyan, na kinabibilangan ng dalawang kotse at isang truck, sa bahagi ng Masinag, Marcos Highway bandang alas-dos ng madaling araw, Lunes.
Ayon sa mga nakakita sa pangyayari, nakahinto ang puting kotse sa isang intersection nang bigla na lang itong banggain ng rumaragasang itim na kotse.
Sa tulin ng takbo nito, pati nakalagay na concrete barrier sa kalsada ay binangga rin ng itim na kotse habang ang truck naman na katabi lang ng puting sasakyan ay nadamay rin sa aksidente.
Pahayag ng isang nakakita sa insidente na si Elpidio Lozano, “Ang bilis, biro mo dala yung barrier sa ilalim, oh.”
Salaysay naman ni Ali Galang, “Dire-diretso. Bumangga muna sa barrier, sabay tumama sa kotseng puti. Tapus yun nagka-anu na .”
Nagtamo ng sugat sa ulo ang driver ng puting kotse na si Christine Badon pati na ang kasama nito habang ang driver ng nakabanggang sasakyan na kinilalang si Arnel Santiago ay nasugatan rin sa ulo matapos siyang sumabit sa pintuan ng kanyang kotse.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga responder ng City Disaster Risk Reduction Council, posibleng nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ang mga sakay ng kotseng itim na umamin umanong nanggaling sa isang kasiyahan.
Sa ngayon ay dinala na ang mga sasakyan sa traffic sector ng Antipolo para isailalim sa imbestigasyon. (Reynante Ponte / UNTV News)