QUEZON CITY, Philippines — Walang naitalang anumang gulo ang Philippine National Police sa pagbubukas ng klase sa buong bansa ngayong Lunes, Hunyo 1.
Ayon kay PNP-OIC P/DDG Leonardo Espina, generally peaceful ang first day of classes dahil maayos na nakapasok sa mga eskwelahan ang mga estudyante nang walang anumang aberya.
Ani General Espina, “Maayos, very orderly yung pag-conduct at pagpasok ng ating mga mahal na mga anak, estudyante.”
Sinabi pa ng heneral na hindi rin muna nila tatanggalin ang mga pulis na nagbabantay malapit sa mga eskwelahan para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
“Hindi tayo titigil muna until everything is stabilized. Kasi alam mo, yung influx, lalong lalo na sa umpisa, na naninibago pa after a long summer vacation.”
Katulong nila ang ibang ahensya ng gobyerno upang mapanatili ang kaayusan ngayong pasukan tulad ng MMDA na nagmamando naman sa traffic.
Idinagdag pa ni Espina na sinisiguro din ng mga pulis na hindi makakapambiktima ang mga snatcher at mandurukot na nagsasamantala tuwing dagsa ang mga estudyante.
Gayunman, tiniyak ng pinuno ng Pambansang Pulisya na hindi rin naaapektuhan ang iba pang trabaho ng mga pulis kahit na karamihan sa mga ito ay nakatalaga sa paligid ng mga eskwelahan.
Panawagan ng PNP sa publiko, agad na itawag sa kanilang hotline na 09178475757 o 117 kung may kahina-hinalang kilos na mapapansin sa kani-kanilang mga lugar. (LEA YLAGAN / UNTV News)