MANILA, Philippines — Pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III, “Ngayong umaga nga po, sa imbitasyon ng kanilang pamahalaan, ay lilipad tayo patungong Tokyo, Japan para sa isang state visit.”
Nakaalis na nitong umaga ng Martes si Pangulong Benigno Aquino III patungong Japan para sa kanyang apat na araw na state visit.
Ayon sa Pangulo, personal niyang pasasalamatan sina Emperor Akihito at maybahay nito na si Empress Michiko sa mga pagtulong sa Pilipinas kapag dumarating ang mga kalamidad.
Magkakaroon rin ng pulong sina Pangulong Aquino at Prime Minister Shinzo Abe.
“Makikipagpulong rin tayo kay Punong Ministro Shinzo Abe upang higit na pagtibayin ang ugnayan at pakikipagtulungan sa kanilang bansa,” ani Pangulong Aquino.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, kabilang sa inaasahan na mapaguusapan ng dalawang lider ang isyu ngayon sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Ang Japan ang isa sa mga pangunahing sumusuporta sa posisyon ng Pilipinas na maresolba ang isyu sa agawan ng terirtoryo sa rehiyon sa mapayapang paraan.
“Kasama din natin sila sa paninindigang ang rule of law ang dapat mamayani upang makamit ang patas at makatwirang resolusyon sa usapin ng teritoryo,” dagdag pa ni PNoy.
Sa Japan, makikipagkita rin ang pangulo sa Filipino community at makikipagpulong sa ilang businessmen upang hikayating mamuhunan sa bansa.
Ayon sa Office of the Executive Secretary, nagkakahalaga ng 34.6 million pesos ang kabuuang gastos ng pamahalaan para sa pagbisita na ito ng pangulo kasama ang 60-member delegation. (NEL MARIBOJOC / UNTV News)