
Ang interpreter at composer ng “Ikaw Na Lang Mag-drive ng Buhay Ko” na sina Melvin Sumalinog at Rolan Delfin. (KENNETH VILLADOLID / Photoville International)
MANILA, Philippines — May dahilan upang matuwa ang mga kasangbahay na mahilig sa country music dahil pasok na sa grand finals ng A Song of Praise o ASOP Music Festival Year 4 ang awiting “Ikaw na Lang Mag-drive ng Buhay Ko” matapos itong tanghaling monthly winner sa buwan ng Mayo.
Lapat na lapat ang estilo at himig ng mang-aawit na si Melvin Sumalinog sa komposisyong ito ni Rolan Delfin na nakadagdag ng puntos upang piliin ito ng mga hurado.
Pahayag ng interpreter na si Melvin Sumalinog, “Natutuwa ako na nanalo at nasa monthly finals ang aming song. Salamat sa composer ko na nagtiwala sa’kin at sa ASOP.
“Masayang-masaya po ako sa sinabi po ng mga judges at salamat po sa Dios at sinamahan niya ko sa ginagawa kong awit,” sambitla ng may obra ng “Ikaw Na Lang Mag-drive ng Buhay Ko” na si Rolan Delfin.
Tatlong kapwa matitinding estilo ng awit ang dinaig ng awit na ito ni Rolan, ang disco genre na “Tanging Ikaw, Hesus” ni Adrian Jed Jaranilla na inawit ni Jennifer Maravilla, ang ballad na awiting “Walang Hanggang Kadakilaan” nina Noli Saballa at Ferdinand Pua na inawit ng Viva artist na si Miguel Aguila at ang power ballad na “Dios na Dakila” ni Lino Cajegas na inawit naman ng The Voice Season 1 contender na si Hans Dimayuga.
Tumayong hurado ang mga batikang musiko na sina Jungee Marcelo, Isay Alvarez at Doktor Musiko Mon del Rosario. (ADJES CARREON / UNTV News)