MANILA, Philippines — Nagsimulang mameke ng pirma at mga dokumento si Marina Sula noong 2003 o 2004 hanggang 2011.
Bagama’t alam ni Sula na labag sa batas ang kanyang ginagawa, pinili niyang manatili bilang empleyado ni Janet Lim Napoles noon.
Ito ang naging pahayag ni Sula sa pagpapatuloy ng pagdinig sa mosyong makapagpiyansa ni dating APEC Partylist Representative Edgar Valdez sa 5th Division ng Sandiganbayan.
Nang tanungin ng isa sa mga associate justice kung bakit hindi siya tumutol o umalis sa kumpanya ni Napoles kahit alam iyang ilegal o isang krimen ang kaniyang gawain, sinabi ni sula na hirap na siyang makakita ng ibang pagkakakitaan noon dahil sa kaniyang edad.
Ayon kay Sula, nagtiwala rin siya sa pangako sa kanila ni Napoles at sumunod lamang umano siya sa ipinag-utos nito.
Dagdag pa rito ang sinasabi ni Napoles na may koneksyon siya sa matataas na opisyal ng gobyerno.
Si Sula ang isa umano sa mga pinagkatiwalaan ni Napoles na magrehistro ng 27 non-government organizations at maging presidente ng isa sa mga ito — ang Masaganang Ani para sa Magsasaka Foundation, Inc. o MAMFI.
Kabilang din umano sa mga inutos sa kaniya ni Napoles ang pagproseso ng mga bank transaction ng mga NGO na ito at ang pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno.
Ayon naman sa abugado ni Napoles na si Atty. Stephen David, dahil sa mga naging testimonya ni Sula sa korte, lumalabas na mismong isa sa mga PDAF scam whistle-blowers ang umaming hindi sila pinilit ni Napoles.
Pahayag ng abogado ni Janet Lim Napoles Atty. Stephen David, “Hindi naman pala totoo na inuutusan sila ni Mrs. Napoles, they can do it on their own.”
Pinabulaanan din ng kampo ng mga akusado ang sinabi ni Sula na sinusunod lang nila ang ipinag-uutos ni Napoles na pamemeke ng pirma at mga dokumento.
“Gusto nila yung ginagawa nila. In fact. kumikita sila,” dagdag pa ni Atty. David.
Balak namang ibilang ng defense panel sa kanilang isusumiteng memorandum sa korte ang umano’y inconsistencies o paiba-ibang testimonya ng testigong si Sula kaugnay ng hindi tugmang mga pahayag nito sa halaga ng natanggap na komisyon mula sa PDAF. (ROSALIE COZ / UNTV News)