Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pagbibigay ng homework sa mga estudyante, dapat gawing limitado lamang ayon sa DepEd

$
0
0

FILE PHOTO: Isang mag-ina na magkasamang nag-aaral o gumagawa ng takdang aralin sa bahay. (Rogz Necessito Jr, / Photoville International)

MANILA, Philippines — Anim na oras na ang iginugugol sa eskwelahan ng batang si Joie Rose Baracael, grade seven student sa Tandang Sora High School.

Kaya naman pagdating sa bahay, halos pagod na ito sa kalahating araw na pakikinig sa leksyon ng kanyang mga guro.

Problema pa ni Joie Rose at ng mga magulang nito ang madalas na pagkakaroon ng maraming assignment pag-uwi sa bahay.

Ayon sa kanyang tatay, umaabot sa dalawa hanggang sa apat ang ginagawang homework ni Joel kada araw, at kadalasan kahit weekend ay marami pa ring takdang aralin ang ipinauuwi ng mga guro sa kanyang anak.

Bunsod nito, nawawalan na ng oras para sa kanyang sarili ang bata maging ang panahon sana na iginigugol nito kasama ang pamilya ay nauubos na sa paggawa ng school works.

Salaysay ng magulang ni Joie Rose, “Problema namin sa ngayon dahil marami pong binibigay na assignment ang eskwelahan , kahit po Biyernes may assignment po. Kahit ipapahinga na ng bata tuluy-tuloy pa rin po. Kaya yung mga bata naawa rin po ako.

Ayon naman ni Joie Rose, “Yung iba (na assignment) madali po, yung iba mahirap, (nakakaubos ng) isang oras.”

Ayon naman sa Department of Education, mahalaga ang pagkakaroon ng assignment upang lalo pang mapagbuti ang kakayahan ng mga estudyante at maihanda ang mga ito sa mga susunod na aralin.

Ngunit paalala ng kagawaran sa mga guro, dapat limitado lamang ang pagbibigay ng homework sa mga mag-aaral, upang mabigyan pa ng panahon ang mga ito na makapagpahinga pagkagaling sa ekskwelahan.

Pahayag ni DEP-NCR Dir. Luz Almeda, “During school days importante talaga yang (assignments) except that it should be regulated; yung assignment na hindi naman malaki, dapat yung kung ano yung magawa ng bata in less than five minutes in ten minutes, iyun lang. Hindi yung the whole night malaki yung babasahin niya , one novel read overnight — that’s too much.”

Sa ilalim ng DepEd Memorandum Order 392 na inilabas noong 2010, ipinagbabawal ang pagbibigay ng assignment sa mga estudyante tuwing weekend.

Ito ay upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga mag-aaral na makapaglaro at makapag-bonding sa kanilang mga pamilya.

Dagdag pa ni Director Almeda, “So sa Friday, Saturday, Sunday wala nang assignment para yung bata maka-devote his or her time to family activities. So there’s more bonding, more enjoyable activities and sharing among family members.”

Bukod sa mga assignment, sinabi rin ng DepEd na dapat limitahan ang pagpapagawa ng mga project sa mga estudyante.

Hindi rin kinakailangan na ito’y maging magastos sa halip ito ay dapat na magawa mula sa creativity ng isang mag-aaral.

Ayon pa sa DepEd, sakaling may problema ang mga magulang sa mga guro at eskwelahan ng kanilang mga anak, maari silang makipag-ugnayan sa Parent Teachers Association (PTA) upang mapag-usapan at mabigyang solusyon ang kanilang problema. (JOAN NANO / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481