QUEZON CITY, Philippines — Umaga pa lang nakapila at nakaabang na si Nanay Divina sa SSS Main Office upang asikasukin ang pensyong naiwan sa kanya ng yumaong asawa.
Aniya, kulang ang mahigit P3,000 pension na kanyang tinatanggap buwan-buwan upang tustusan ang kanyang mga gamot at pangangailangan ng kanyang anak na may sakit na epilepsy.
Nakikiusap Nanay Divina na sana ay sa lalong madaling panahon ay maisabatas na ang panukalang dagdag 2-libong pensyon para sa kanila.
“Sana maawa po kayo kasi hindi naman po tatagal pa ang buhay namin mga senior citizen eh… malaking bagay po iyun (yung P2,000 pension increase). Magpapasalamat po kami sa kanila, lalo na sa Dios, na sana hipuin mga puso nila para magkaroon kami ng benefits na magiging masaya ang mga senior.”
Sumama naman ang ilan pensioner kay Bayan Muna Party list Representative Neri Colmenares na nagmartsa patungong SSS upang tutulan ang umano’y planong itaas ang kasalukuyang kontribusyon ng mga miyembro.
Anila, hindi dapat ipinapasa sa mga kasalukuyang miyembro ang responsibilidad ng pagdadagdag ng pondo upang matustusan ang hinihingi ng mga pensionado.
Pahayag ni Congressman Colmenares, “Marming pera ang SSS at hindi totoo na wala silang pera para sa mga pensyonado.”
Nakipagdayalogo naman ang SSS sa kongresista upang linawin na wala silang ipatutupad na dadgdag sa monthly contribution.
Ayon kay Vice President for Public Affairs Marissu Bugante, isa lamang ito sa tinitignan nilang option sakaling maisabatas ang panukalang dagdag pensyon kung hindi ito isa-subsidized ng gobyerno.
Ito rin aniya ay isa sa paraan upang mas mapahaba pa ang operasyon ng SSS at mabenipisyuhan pa ng mas mahabang panahon ang mga miyembro.
Ani VP Bugante, “Wala kaming plano na mag-increase ng contribution rate kasi kaka-increase lang namin last 2014. Ang sinsabi lang namin kung ano ang magiging impact nung P2000 increase sa pension across the board… kung mangyayari yan iiksi ng 13 years ang pondo ng SSS, kung 2042 ang habang ng buhay ng ating pondo pag-pinatupad natin ang dagdag increase mababawasan ng 13 years, ibig sabihin from 2042 magiging 2029 na lang.”
Tiniyak naman ng SSS na sakaling maisabatas ang P2,000 dadgag sa mga pensioners ay ibabalanse nila ang sitwasyon upang hindi naman mabigatan ang mga miyembro sa pagbabayad ng buwanang kontribusyon. (GRACE CASIN / UNTV News)