QUEZON CITY, Philippines — Binuo ng Philippine National Police ang Implementation Plan Saklolo o ImPlan Saklolo para tumulong sa mga nagiging biktima ng sunud-sunod na bagyo sa bansa.
Layon nito na masigurong nakahanda anomang oras ang mga tauhan ng PNP at ang kanilang mga equipment sa panahon nang pananalasa ng bagyo sa bansa.
Ani PNP-PIO Chief Wilben Mayor , ang mga ito ay pamumunuan ng mga regional directors, provincial directors, chief of police sa mga stations, habang ang DPCR naman o Directorate for Police Community Relations ang mamumuno sa monitoring center sa NHQ (National Headquarter).
Sinabi pa nito na inaatasan din ang mga tauhan ng pnp na makipag-ugnayan sa mga local government units ng mga lugar na tatamaan ng bagyo at maging sa NDRRMC para sa agarang pagtulong.
Hinikayat din ni Mayor ang publiko na bisitahin ang kanilang Facebook at Twitter account para sa dagdag kaalaman sa panahon ng kalamidad.
Aniya malaking tulong ito sa publiko upang makagawa sila ng paraan para sa kanilang kaligtasan habang hindi pa dumarating ang mga rescuer.
Bukod sa pagtulong sa search and rescue operations ay pinananatili din ng mga tauhan ng PNP ang kapayapaan at maging ang traffic sa lugar na apektado ng kalamidad. (LEA YLAGAN / UNTV News)