MANILA, Philippines — Apat na dahilan ang inilatag ng Commission on Elections sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms kung bakit ito hindi sang-ayon sa paggamit ng hybrid system sa darating na 2016 elections.
Lumabas sa report ng COMELEC na mas mahal, mas matagal at hindi sinasang-ayunan ng kasalukuyang batas ang Precinct Automated Tallying System o PATAS.
Ayon kay COMELEC Commissioner Christian Robert Lim, sa kanilang pag-aaral, sa 230,000 clustered precincts 36.8 billion pesos ang magagastos ng COMELEC para sa PATAS.
Aabot pa ito ng 39.7 billion pesos kung magkakaroon ng pang-apat na BEI na mamahala sa laptop count.
Subalit ang budget ng COMELEC para sa automated elections sa 2016 ay 20.5 billion pesos lamang.
Lalabas na mas mahal ang magagastos ng poll body sa patas kaysa refurbishment ng PCOS machines na may 2.074 billion pesos approved budget at sa pagbili ng mga bagong makina na aabot ng halos 11 bilyong piso.
Pahayag ni COMELEC Commissioner Christian Robert Lim, “In terms of finances including the budget request we have in DBM for next year including the finances that we have, we will not have sufficient funds to have, to use PATAS as a system for 2016.”
Batay sa obserbasyon ng COMELEC sa isinagawang end-to-end demonstration ng hybrid system noong June 27, matagal ang proseso ng botohan at hindi ligtas sa dayaan.
“PATAS is susceptible to human error since the laptop is operated by a person who might succumb to fatigue eye strain as the counting progresses… there were discrepancies, the tally board, the election return and the laptop did not jive with each other.”
Ipinunto din ni Lim na sa ngayon hindi pa tapos ang software na gagamitin para sa PATAS at kakailanganin pa ang 1 taon upang magawa ang Election Management System o EMS.
Nanindigan din ang COMELEC na walang basehan sa batas ang paggamit ng hybrid system sa halalan.
“PATAS will require an amendment of existing laws or enactment of new laws to allow PATAS.”
Sang-ayon ang PPCRV sa posisyon ng COMELEC.
Pabor din si Committee Chairman Fredenil Castro sa posisyon ng COMELEC subalit bukas ito sa ideya na ma-improve ang PATAS system upang magamit sa future elections.
Dismayado naman si Suffrage and Electoral Reforms Committee Vice Chairman Congressman Edgar Erice sa proseso ng PATAS.
“They have been talking for more than a year even in the joint congressional committee, senate committee talking for about a year about this system. Yun pala ganun lang palpak. They have wasted our time,” ani Rep. Erice.
Ayon naman kay Marikor Akol ng Automated Election System Watch o AES Watch, ang software ng PATAS, kahit matagal ang proseso mas transparent naman dahil nakikita kung tama ang bilang ng boto.
“Of course, manual counting will always be more tedious but we are able to have transparency and we know what the people have voted for is the one that is reflected in the ers.”
Sa ngayon may 2 opsyon pa ang COMELEC, ito ay ang refurbishment ng PCOS machines o ang pagbili ng mga bagong makina.
Bukas magkakaroon ng Special En Banc Session ang COMELEC upang pag usapan kung paano makahikayat ng bidders sa refurbishment option matapos magkaroon ng failed bidding noong nakaraan dahil walang nagsumite ng bid matapos babaan ang approve budget sa kontrata.
Isa sa opsyong tinitingnan ng poll body ay ang taasan uli ang budget para dito. (VICTOR COSARE / UNTV News)