LAGUNA, Philippines — Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang nangyaring banggaan ng dalawang motorsiklo sa national highway ng Barangay Landayan sa San Pedro noong Sabado.
Nagtamo ng sugat sa kanang binti ang rider na si Michael Gonzales habang namaga naman ang kanang bukong-bukong ng kabanggaan nito na si Juanito Fernandez Jr.
Agad na inassess ng grupo ang kondisyon ng mga biktima at pagkatapos ay nilapatan ng pang-unang lunas.
Nagturuan naman ang dalawa sa kung sino ang may pananagutan sa insidente.
Pahayag ng naaksidenteng driver na si Juanito Fernandez Jr., “Dito kami padaan bigla siyang lumitaw, natumbok niya ko.”
Sabi naman ng isa pang driver na si Michael Gonzales, “Pagtawid ko pinatigil na ko ng jeep, OK na yung jeep tumigil na. Tapos palabas na ako dito bigla siyang humarurot.”
Matapos lapatan ng lunas ay tumanggi na ang dalawa na magpahatid sa ospital.
Samantala, rumesponde rin ang UNTV News and Rescue Team sa isang aksidente sa Barangay Parian, Cebu City pasado alas-dose ng madaling araw ng Linggo.
Nadatnan ng grupo ang lalaking ito na walang malay habang nakaupo sa loob ng kanyang kotse matapos bumangga sa isang concrete barrier.
Agad inilabas ng UNTV Rescue Team ang lalaki mula sa sasakyan, katuwang ang basak pardo emergency rescue, inilipat sa back board at saka isinugod sa pinakamalapit na ospital.
Ayon sa ama ng biktimang si Jayvon Latonio, mula pa sa intramurals sa paaralan ang kanyang disi-nueve anyos na anak nang mangyari ang aksidente.
Ayon naman sa ilang nakasaksi, mabilis ang takbo ng kotse nang bigla itong lumiko saka tinumbok ang concrete barrier. (UNTV News)
The post Mga nasugatan sa aksidente sa Laguna at Cebu tinulungan ng UNTV News and Rescue Team appeared first on UNTV News.