MANILA, Philippines — Matapos ang ilang serye ng mga public testing, ipinatupad na ang unified ticketing system sa LRT Line 1 at Line 2.
Marami na sa mga regular na pasahero ng LRT ang gumagamit ng beep card.
Simula ngayong araw ng Lunes, ang mga beep card na nabili sa alinmang istasyon ng LRT ay maaari nang magamit sa Line 1 at Line 2, halimbawa dito sa Doroteo Jose Station sa Maynila at maging sa LRT Line 2 Recto Station ay pwede na ring magamit ang beep card na nabili sa Line 1. Sa pamamagitan nito ay mas magiging madali na ang magpalipat-lipat sa dalawang istasyon.
Pahayag ni DOTC Sec. Jun Abaya, “So far, so good. Kinausap ko ilang pasahero natin. Ilan sa kanila, tinanong ko bakit single journey at hindi beep (ang gamit). (Ang sagiot) ‘Sir, kasi bihira kami sumakay’ — which is understandable.”
Bagama’t ilang buwan na ang nakalilipas mula ng ilunsad ang bagong ticketing system, marami pa ang nalilito at nagkakaproblema sa paggamit ng beep card.
Para sa pasaherong si Gerald Raymundo, “Kapag nagmamadali po parang ang hirap kasi nun eh, dahil pag nagmamadali po kailangan ng card kailangan reload agad, paglagay ko lalabas agad yung pera pabalik-balik pa po.”
Ayon naman kay Edmon Buen, “Nagka-problema siguro dahil medyo mabilis yung pag-tap ko. Merong problem dun sa hindi pag-read agad ng turnstiles (baffle gate).”
Saad naman ni LRT Spokesperson Atty. Hernando Cabrera, “Nakita ko yung observation, yung paggamit ng ating mga pasahero, siguro kailangan pa ng continous na information drive tayo sa paggamit.”
Kung gamit ang beep card, kailangan lamang itong itapat sa sensor at hintaying basahin ito ng computer.
Makikita sa monitor na tinanggap na ang card at kung ilan na lamang ang natitirang load.
Dahil unified na ang sistema, maaari ng magpa-load sa alinmang istasyon ng LRT sa pamamagitan ng vending machine.
Kung magka-problema sa ticket dalhin agad sa counter upang maayos.
Sa ngayon, sa southbound pa lamang ng LRT Line 1 magagamit ang beep card dahil hindi pa tapos ang installations ng mga turnstiles sa northbound lane. (MON JOCSON / UNTV News)
The post Unified Ticketing System sa LRT Line 1 at 2, ipinatupad na appeared first on UNTV News.