MANILA, Philippines — Isang magandang regalo ang dala ni Pangulong Benigno Aquino III sa kaniyang pagdalo sa 122th Police Service Anniversary umaga ng Martes.
Sinabi ng pangulo na inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagre-release ng 2.86 billion peso fund para sa capability enhancement ng organisasyon.
Ayon sa pangulo, ang nasabing pondo ay bahagi lamang ng 9-billion peso fund na inilaan sa Philippine National Police (PNP) upang palakasin ang move, shoot and communicate capability nito.
Ayon kay DILG Secretary Mar Roxas, ang siyam na bilyong piso ay bukod pa sa 2 bilyong pisong pondo na tinatanggap ng PNP bawat taon para din sa capability enhancement.
Ang 9-billion peso fund ay gugulin sa pagbili ng mahigit sa dalawang libong sasakyan ng PNP, mga communication equipment at 50 long firearms.
Ayon sa kalihim, malaking bahagi ng pondo ay ilalaan sa pag-hire ng mga non uniformed personnel na ipapalit sa mga pulis na may admin duties upang madagdagan ang mga pulis na magpapatrolya sa lansangan.
Sa kasalukuyan ay nasa 30,000 pulis ang gumaganap ng admin functions.
Kasabay nito ay kinilala rin ng pangulo ang mga accomplishment ng pambansang pulisya.
Kabilang na ang nangyaring raid sa Subic, Zambales kung saan nakakumpiska ng 432 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit dalawang bilyong piso, gayundin ang maayos na pagdaraos ng midterm elections.
Binalaan naman ng Pangulo ang mga tiwaling police na aniya’y dapat nang maalis sa serbisyo.
Hinamon din ng Pangulo ang mga pulis na magtulungan upang maiangat ang imahe ng PNP. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)